Ginang at kaniyang mga anak, huli sa anti-illegal drug operation sa Cavite
Kabilang ang isang pamilya sa Tanza, Cavite sa mga dinakip ng mga awtoridad sa isinagawang raid kontra iligal na droga nitong Miyerkules ng hatinggabi. Ang bahay umano ng mga suspek, nagsisilbing drug den din ng mga parokyano na gumagamit ng shabu.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV's Balitanghali nitong Huwebes, sinabing 13 target na mga bahay sa Tanza, Cavite ang sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Regional Public Safety Company, SWAT, Cavite Police at Cavite Provincial Intelligence branch.
Pangunahing target ng operasyon ang isang pamilya na sangkot daw sa bentahan ng droga at ipinapagamit din ang kanilang bahay bilang drug den.
Kabilang sa mga dinakip ang ginang na si Lorna Coprades, na umamin sa krimen at nagsabing ilan sa kanilang parokyano ay mga tricycle driver.
Nadakip din sa operasyon ng 11 katao na pinagkukunan umano ng droga kabilang si Carmen Navarro, na sinabing lider ng Navarro Drug Group sa Cavite.
Itinanggi naman ni Navarro ang bintang na distributor siya ng droga pero inamin nito na paminsan-minsan ay "gumagamit" umano siya.
Nangako naman si P/Supt. Rommel Javier, hepe ng Cavite Provincial Anti-illegal drugs, na patuloy ang isasagawa nilang operasyon laban sa bawal na gamot na pinag-uugatan ng krimen. -- FRJ, GMA News