Hero cat at iba pang hayop na kakaiba
Hindi lang ang mga tao ang naging laman ng mga balita sa papatapos na taong 2015. Maging ang mga alagang hayop, gumawa rin ng ingay. Gaya na lang ng isang pusa sa Pangasinan na itinuring bayani dahil iniligtas niya sa ahas ang isang bata na dalawang-taong-gulang.
Para nga sa pamilya Francisco ng Mangaldan, Pangasinan, bayani ang alaga nilang pusa dahil iniligtas daw nito sa panganib ang batang si Mica nang labanan nito ang isang ahas na nakapasok sa kanilang bahay.
Mala-pelikula naman ang kuwento ng isang tigre at isang kambing sa isang zoo sa Russia.
Inilagay kasi sa kulungan ang kambing para maging pagkain ng tigre. Pero lumipas ang magdamag, hindi kinain ng tigre ang kambing; sa halip, naging magkaibigan ang dalawa at hindi na mapaghiwalay dahil laging magkasama.
May mga hayop din na nanggulat dahil sa kakaiba nilang hitsura. Tulad na lang ng kambing na isinilang sa Badoc, Ilocos Norte na tila baboy ang mukha dahil sa mataba nitong pisngi.
Samantala, kakaiba rin ang hitsura ng isang biik na isinilang sa Dingras, Ilocos Norte dahil dalawa ang ulo nito at tatlo ang taenga.
Ayon sa may-ari ng mga baboy, hindi nila alam na buntis ang alaga nilang inahin na nagsilang ng 10 biik pero isa lang ang kakaiba ang hitsura.
Bukod sa dalawa ang ulo ng biik, tatlo ang taenga nito, apat ang mata, at dalawang nguso. Gayunman, pumanaw ang biik pagkaraan ng magdamag mula nang isilang.

Sa Ilocos Norte pa rin, naging aktrasyon naman sa mga residente sa isang barangay sa Laoag City ang isang baka na isinilang na mayroong anim na paa.
Baka iti Laoag City, innem ti sakana! (Aired Feb. 18, 2015)
Posted by 24 Oras Ilokano on Wednesday, February 18, 2015
Sa dalampasigan naman ng Davao natagpuan ang isang isda na may kakaibang hitsura na napadpad sa Isla Suerte. Pinagkaguluhan ng mga residente ang naturang isda dahil ngayon lang daw nila ito nakita.
-- FRJ, GMA News