Babae sa Cebu, tinangay daw ang sanggol sa ospital para 'di iwan ng nobyo
Umamin na sa krimen ang babaeng nagpanggap na nurse at tumangay sa isang sanggol sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu. Paliwanag ng suspek, nagawa niyang kunin ang sanggol para hindi siya iwan ng kanyang live-in partner.
Sa ulat ni Chona Carreon ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas nitong Huwebes, umiiyak na humingi ng patawad ang suspek na si Melissa Londres.
Batid daw niya kung gaanong kabigat ang kaniyang kasalanan, na nagawa lang daw niya para hindi siya iwan ng kaniyang mahal na nobyo na si Philip Winfred Almeria.
Idinagdag pa ni Londres na kasama sana sa plano niya na talagang magpanggap na buntis sa kanilang lugar bago kunin ang sanggol.
Inamin naman ni Almeria, na nakakulong din, na nagkaroon talaga ng problema ang relasyon nila ni Londres. Nagkasundo lang daw silang muli nang dumating ang bata na inakala niyang anak niya.
Nalulungkot daw siya na dalawang araw lang pala magtatagal ang kanyang pagiging ama at hindi niya inakalang ninakaw lang ng nobya ang sanggol.
Samantala, hindi pa rin isinasantabi ng mga awtoridad ang posibilidad na may kinalaman si Almeria sa pangyayari. -- FRJ, GMA News