Body odor test, kailangang ipasa ng mga aplikanteng drayber sa Indonesia
May kakaibang pagsusulit na kailangang pagdaanan ang mga aplikante na nais maging drayber sa isang motorcycle-taxi app service sa Jakarta, Indonesia-- ang body odor test.
Bukod sa dapat na walang masamang amoy na ilalabas ang katawan ng aplikante, dapat din nilang maipasa ang iba pang pagsusulit gaya ng written exam, drive test at drug test.
Ayon kay Aris Wahyudi, nagtatag ng naturang motorcycle-sharing company, ipinatupad nila ang body odor test para sa kapakanan ng mga kliyente.
"We took the decision to do an odor test for our customers' satisfaction," ani Wahyudi.
Ang sistema ng pagsusuri, itatapat ang aplikante sa electric fan at mayroong isang tauhan ng kompanya na pupuwesto sa likuran nito at lalanghap kung may hindi kaiga-igayang amoy na lalabas sa kaniyang katawan.
At dahil sa basement na walang aircon isinasagawa ang body odor test, natural na pagpapawisan ang mga aplikante at wala silang kawala kung may itinatago silang hindi kanais-nais na amoy.
"I have already found many types of body odor smell," ayon sa taga-amoy na si Endang Ahmad, na may hawak na clipboard kung saan niya inilalagay ang marka ng aplikanteng drayber.
"The ones who have sweat smell and armpit smell mixed we don't give a pass," deklara niya. -- Reuters/FRJ, GMA News