88-anyos na ina, inaabuso at hinahalay daw ng sariling anak; suspek, nadakip
Isang 54-anyos na lalaki ang dinakip ng mga awtoridad sa Cavite dahil sa alegasyon na paulit-ulit nitong inaabuso at hinahalay ang kaniyang 88-anyos na ina, na naka-wheelchair na.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, dinakip ang suspek sa kaniyang bahay sa Tagaytay, Cavite ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Mismong ang apo raw ng biktima ang nakasaksi sa ginagawang panghahalay ng suspek sa matandang ginang.
Natuklasan ng mga awtoridad na apat na taon nang ginagawa umano ng suspek ang kahalayan sa kaniyang ina.
Itinanggi ng suspek ang paratang pero inamin nito na gumagamit siya ng iligal na droga.
Nakiusap din ang suspek sa kaniyang ina na patawarin siya.
Samantala, nadakip naman ng mga awtoridad sa Palawan ang 67-anyos na si Rogelio Resgado, na wanted sa mga kaso ng panggagahasa sa probinsya.
Nahaharap umano si Resgado sa 17 counts ng rape at lahat umano ng mga biktima nito ay mga menor de edad. -- FRJ, GMA News