ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Isa sa mga biktima, bata

3 bangkay, nakita sa loob ng nakaparadang sasakyan sa gilid ng kalsada


Dahil sa masangsang na amoy, natuklasan ang tatlong bangkay--kabilang ang isang batang limang-taong-gulang--na nasa loob ng isang pick-up truck na ilang araw nang nakaparada sa gilid ng kalsada sa Narra, Palawan nitong Miyerkules ng umaga.

Sa ulat ni Maricar Sargan ng Super Radyo Palawan sa GMA News 24 Oras, kinilala ang dalawang biktima na sina Jean Marc Roger Messina, isang French national at Jewelyn Venturillo.

Samantala, wala pang pagkakakilanlan sa batang biktima na lalaki.

Sa paunang impormasyon mula sa mga awtoridad, sinabing may tama ng bala ng baril ang ilan sa mga biktima.

May nakita rin umanong bakas ng dugo sa loob ng sasakyan na iniwan sa boundary ng brgy. Malinao at Poblacion sa bayan ng Narra.

Hinala ng mga imbestigador, iniwan lang ng hindi pa kilalang salarin ang sasakyan na pagmamay-ari ng isa sa mga biktima.

Kuwento ng mga residente, dalawa hanggang tatlong araw nang nakaparada ang nasabing sasakyan sa tabing kalsada.

Pero sinilip lang nila ang loob ng sasakyan nang may mapansin na silang masangsang na amoy na nanggagaling dito at dito na nakita ang mga bangkay.

Bumuo na ng task force ang Palawan Provincial Police Office para kaagad maresolba ang krimen.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad at isinailalim sa awtopsiya sa mga labi ng mga biktima. -- FRJ, GMA News

Tags: crime