ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

6 patay, P17-M pinsala iniwan ng 2 bagyo sa Luzon


Anim na tao ang namatay sa magkasunod na bagyong “Chedeng" at “Dodong" at umabot sa P16.803 milyon ang halaga ng pinsala dahil sa sunod-sunod na ulan at pagbaha sa maraming bahagi ng Luzon. Hanggang 6:45 a.m. ng Biyernes, iniulat ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) na naitala ang dalawa pang nasawi sa kasagsagan ng pag-ulan dahil sa bagyo. Kinilala sina Marcelo dela Cruz, 40, residente ng barangay Liputan, Meycauayan, Bulacan at Remedios Memorado, 17, ng Baguio City na nadagdag sa nauna nang ibinalitang apat na namatay dahil sa mga sakuna kaugnay ng bagyo.. Si Cruz ay nasawi nang makuryente at tinamaan naman ng lumilipad na yero si Memorado. Nauna nang kinilala ng NDCC ang apat na nasawi na sina Allan Santos Tantoco, 30; Protacio Valones, 76; Reniel Renon, 9; at Leonardo Sagudang, 35. Hindi binanggit sa ulat ang ikinamatay nina Tantoco at Valones na kapwa nasa Bulacan, samantalang nasawi dahil sa landslide sina Renon at Sagudang na pawang taga Hilagang Luzon. Sa pinakahuling ulat ng NDCC, may 53,514 pamilya o 239,232 katao na sa 215 barangay sa Metro Manila, Cordillera, Ilocos, Central Luzon at Southern Luzon ang nasalanta ng dalawang magkasunod na bagyo. Sa kabuuang bilang na ito, 2,942 pamilya o 11,880 katao ang dinala sa 33 evacuation centers. May 42 kabahayan din ang napinsala sa Zambales at Benguet, 32 dito ang hindi na maaayos pa. Samantala, umabot sa P17 milyon ang pinsala na naitala ng NDCC batay sa mga ulat nitong Biyernes. Ang halaga ng pinsala sa imprastraktura ay umabot naman sa P4.3 milyon; sa pananim ay P109,900; sa pangisdaan ay umabot sa P12.393 million kasama na ang sa Hagonoy, Bulacan na P1.545 milyon at Malolos na P2.096. Gumuho din ang mini dam sa San Ildefonso, Bulacan; riprap sa riverbank ng Limay, Bataan; Maasin earth-dike sa Candaba, Pampanga; Gugu dike sa Bacolor, Pampanga; at ang isang bahagi ng Baluto earth-dike sa Tarlac. Ayon naman sa Department of Public Works and Highways (DPWH), may 39 na kalsada ang hindi na nadaanan ng mga light vehicles dahil sa baha. Handa na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maglabas ng P9.509 milyong pondo para sa relief goods. Hanggang alas-10 ng gabi nitong Huwebes, ang bagyong “Dodong" ay nasa 350 km hilagang-kanluran na ng Basco, Batanes na may hanging aabot sa 55 kph. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV