Ina, patay sa saksak ng sariling anak na lango raw sa droga
Nasawi ang isang ina matapos siyang saksakin ng mahigit 20 ulit sa katawan ng sarili niyang anak sa Pangasinan. Paliwanag ng suspek, inakala raw niyang mangkukulam ang ina kaya niya ito napatay.
Sa ulat ni Jette Arcellana ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas nitong Martes, sinabing 29 na saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng biktimang si Margie delos Santos.
Natagpuan ang bangkay ni Delos Santos sa palikuran ng kanilang bahay sa barangay Mabanogbog sa Urdaneta City.
Ang suspek sa krimen, ang mismong anak ng biktima na si Salvador, 25-anyos.
Ayon sa pulisya, mag-isa lang sa bahay ang biktima nang maganap ang krimen dahil namamasada ng tricycle ang kinakasama nito.
Pero nang umuwi na ang kinakasama ng biktima, nakasalubong daw nito ang suspek na duguan ang damit.
Kaagad daw tumakbo ang lalaki papunta sa bahay at doon niya nadiskubre ang bangkay ng kinakasama.
Itinali naman ng mga kapitbahay si Salvador para hindi makaalis.
Tumangging magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.
Sa piitan, tumanggi ring magbigay ng detalye si Salvador sa nangyari pero sinasabing napagkamalan daw nitong mangkukulam ang ina.
Ayon sa pulisya, inamin daw ng suspek na nasa impluwensya ito ng iligal na droga nang gawin ang krimen.
Nahaharap ang suspek sa reklamong parricide. -- FRJ, GMA News