ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

May narcopolitics sa ilang probinsya —PDEA chief


Kinumpirma ng hepe ng anti-illegal drug agency noong Martes na mayroong narcopolitics sa ilang probinsya sa bansa.

Ipinahayag ito ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Arturo Cacdac Jr. matapos sabihin ng dalawang senador na gumagamit umano ng drug money ang ilang kandidato para sa darating na halalan sa Mayo.

"'Yung narcopolitics ... kino-confirm ko sa Masbate dahil may nahuli tayong board member. Aside from that hanggang dun lang tayo," ayon kay Cacdac.

Aniya, nadakip ang board member, na hindi niya pinangalanan, sa loob ng isang tagong laboratoryo.

"Yes ... there are elected officials who violate Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), but again, I will have to limit my statement to those who were arrested," dagdag ni Cacdac.

"'Yung hindi pa nahuli mahirap tayong magbanggit kasi nga magiging vulnerable tayo diyan," ayon sa PDEA official.

Tumaas umano ang bilang ng mga opisyal ng gobyerno na nahuli noong 2015 kung ikukumpara sa datos noong 2014.

"Kung hindi ako nagkakamali nasa 191 [ang sa 2015], sa previous year 180 plus. Kaya naman nangyayari ito kasi ginagawa natin silang high-value targets," ayon kay Cacdac.

Kabilang umano sa mga nahuli ay elected officials gaya ng barangay captain at councilor. Nakahuli din sila ng mga pulis na sangkot sa iligal na gawain.

"Karaniwan sa kanila pusher at sa buy-bust operations namin nahuhuli karamihan," aniya.

Sa Lasam, Cagayan, nakahuli umano sila ng isang dating alkalde at isang election registrar, kabilang na ang isang drug lord.

Lalala pa?

Natatakot naman ni Senator Grace Poe na baka lalala pa ang sitwasyon sa paggamit ng drug money sa pangangampanya dahil sa kakulangan ng tradisyunal na pondong pang kampanya, kabilang na rito ang Priority Development Assistance Fund.

"It is not an impossibility, especially now na wala tayong mga PDAF at kung anu-ano pang mga other sources of funding from the national government o ano, especially during the time of elections,  this can be happening," ayon kay Poe matapos ang pagdinig sa "attempted break-in" ng umano'y drug ring members sa isang radio station sa Iloilo City.

Ayon kay Poe, may mga testigo na nagsasabing mayroong narcopolitics sa ilang lugar, ngunit kailangan pang maberipika ito.

"We’re asking the continued investigation of this, particularly the DOJ (Department of Justice), kasi maraming mga implicated dito," ayon sa Senadora.

"Hindi lamang mga ordinaryong mamamayan (ang sinasabing kasali), mayroong mga kagawad, mayroong mga sinasabing miyembro ng PNP, mayroong sinasabing miyembro ng local government. So, seryosong bagay ito at nakakabahala," dagdag niya.

Samantala, national threat umano ang narcopolitics, ayon kay Senator Vicente Sotto III.

"It is very alarming. It is indeed a national threat and I am wondering why the government has not given its full force to the problem of illegal drugs in the country," aniya.

Nang tanungin kung may mga pulitiko na sangkot sa narcopolitics, sinabi ni Sotto, "Malamang, because of the kind of reports that we have been receiving ... then it is happening. Hindi ganun kalakas ang bali-balita noong araw pero ngayon, matindi."

"The issue of illegal drugs [narcopolitics] is not confined to the local level," aniya.

Nilinaw naman ni Sotto, dating hepe ng Dangerous Drugs Board, na ang narcopolitics ay hindi pa talamak sa buong bansa, mga ilang lugar lamang.

Ayon naman kay Senator Poe, wala siyang natatanggap na impormasyong may mga kandidato sa national positions na sangkot sa ilegal na droga.

"Malayo naman (sa narco-state) pero it is alarming in the local level already," aniya, at isang hakbang sa pagsugpo nito, aniya ay ang pagkakaroon ng "institutionalized reward system."

"Ngayon lang natin nalaman na kapag nahuli pala ‘yan, o ‘pag may nag-tip na, wala man lang reward money [sa mga nag-tip]na kailangan naman," dagdag niya.

"Gusto kong maging legislative action ‘yan. Kung hindi man magiging legislative action, sa tingin ko ang isang Pangulo na mayroong intelligence fund ay ano ba naman yung bigyan ng malaking reward ang isang tao na magsasabing ‘dito nakatira ‘yan at ito’ at mahuhuli," ayon kay Poe.

"Sabihin na natin, mayroon tayong 20 [na] mga nasa wanted [list] na hindi pa nahuhuli. Sa P2 milyon bawat isa diyan, napakamura niyan kung iisipin ninyo na mailalagay sila sa kulungan at mawawala sila sa pag-iikot at pagtutulak ng droga," dagdag niya. —LBG, GMA News