ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

16-anyos na babae, hinalay at nabuntis daw ng sariling ama


Nagsilang na ang isang 16-anyos na babae sa Pagadian City na natuklasang nabuntis ng sariling ama nang halayin noong nakaraang taon.

Sa ulat ng GMA News Balita Pilipinas nitong Miyerkules, sinabing  nagsilang nitong nakaraang Lunes ang minor de edad na biktima.

Ayon sa dalaga, nangyari raw ang pang-aabuso sa kaniya ng sariling ama noong nakaraang Abril.

Lasing daw noon ang suspek at wala ang kaniyang ina.

Dahil sa takot, pinili na lang biktima manahimik.

Ang ina na ng biktima ang nagsumbong sa pulisya sa nangyari sa kaniyang anak.

Umamin naman umano ang suspek sa krimen at mahaharap siya sa reklamong rape.

Samantala, natagpuan sa gilid ng irrigation canal sa barangay Malamote sa Matalam, Cotabato ang bangkay ng isang 27-anyos na babae.

Hinihinalang ginahasa ang biktima dahil nakababa ang kanyang panloob nang matagpuan ang kanyang katawan ng isang magsasaka.

Nitong Martes, isang suspek ang inaresto ng mga pulis.

Ayon sa live-in partner ng suspek, kilala niya ang biktima.

Sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, sinasabing magkasama raw na gumamit ng iligal na droga ang suspek at ang kinakasama nito bago nakita ang bangkay ng biktima.

Itinanggi naman ng suspek ang paratang laban sa kaniya. -- FRJ, GMA News
 

Tags: rapevictims