Mga anak ng mga magsasaka, namamasukan na sa ibang lugar dahil sa El Niño
Dahil wala nang kabuhayan bunga ng pagkasira ng mga pananim at pagkatuyo ng mga ilog dahil sa El Nino phenomenon o matinding init ng panahon, nangingibang-bayan na ang ilang kaanak ng mga magsasaka para kumita at nang may maipambili ng pagkain. Sa Maguindanao, isang babaeng magsasaka ang nasawi dahil sa heat stroke.
Sa ulat ni Chona Carreon sa GMA News Balitanghali nitong Miyerkules, ipinakita ang natuyong ilog sa barangay Manabuan sa Matalam, Cotabato na pinagkukunan ng kabuhayan ng mga residente.
Bukod sa isdang nahuhuli sa nasabing ilog, dito rin umano kumukuha ng tubig ang mga magsasaka para sa kanilang pananim.
Pero dahil sa El Nino o matinding init, natuyo na ang ilog at nagkakasakit na rin ang ilang bata sa lugar.
Ang ilang residente, nangibang-bayan na rin para maghanap ng trabaho nang may maipakain sa kanilang pamilya.
Dumadami rin umano ang mga residente sa bayan ng Tulunan na umaalis para maghanap din ng trabaho sa ibang bayan.
Naging ang ilang menor de edad, pinayagan na ng kanilang mga magulang na magtrabaho sa ibang probinsya.
Ayon sa lokal na pamahalaan, hirap na ang mga residente dahil sa matinding init na epekto ng El Nino dahil wala nang maani sa mga sakahan.
Sa bayan ng Antipas, halos wala na ring maipakain sa mga alagang kambing at baka sa isang organic farm.
Natutuyo na kasi ang mga damo at mga puno sa lugar dahil sa matinding init ng panahon.
Sa bayan naman ng Pagalungan, Maguindanao, namatay ang isang babaeng magsasaka dahil sa heat stroke.
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, galing sa sakahan ang biktima at umuwi sa kanyang bahay.
Natumba raw ang biktima habang nasa banyo kaya isinugod siya sa ospital pero idineklara siyang dead on arrival. -- FRJ, GMA News