ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

De-latang beef loaf na may nakitang uod, 2019 pa ang nakalagay na expiration date


Hindi akalain ng lalaking bumili ng de-latang beef loaf sa isang malaking mall sa Cebu city na bulok ang nabili niyang produkto dahil 2019 pa ang nakalagay na expiration date sa lata nito.

Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA-Cebu sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabi ni Eddie Dinapo na bahagya pa lang niyang nabubuksan ang de-lata ay napansin na niya agad na may gumagapang mula sa loob nito.

"Noong binuksan naman nang bahagya, nakita namin na may gumagalaw na talaga. Nakita ko talaga uod siya," ani Dinapo.

Base sa nakaimprenta sa lata, January 2019 pa dapat mag-e-expire ang beef loaf. Kaya hindi raw inakala ni Dinapo na puno ito ng uod.

Iniimbestigahan na ng Department of Veterinary Medicine and Fisheries ng Cebu city ang insidente.

Magpapadala raw sila ng sulat sa mall kung saan ito nabili para matunton ang distributor.

Gusto raw nila na ma-recall o maisauli ang iba pang ka-batch ng beef loaf na posibleng kontaminado rin.

Hindi pa naipapaalam sa manufacturer ng delata ang insidente.

Ang Department of Health, nagbabala naman sa sakit na maaaring idulot ng bakterya na kaakibat ng pagkain ng produktong may uod.

Karaniwan daw sa canned goods ang bacteria na clostridium botulinum. Kung makakain ito, mayroon mga toxins na makakaapekto sa katawan ng tao na pagmumulan ng mga sakit tulad ng diarrhea, food poisoning, lagnat, pagsusuka, at iba pang katulad na sintomas. -- FRJ, GMA News