ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Duterte, nagpaliwanag kung bakit inilihim na dinala siya sa ospital


Kasabay ng pag-amin na dinala siya sa ospital nitong Huwebes matapos makaramdam ng matinding sakit ng ulo, ipinaliwanag ni Davao City Mayor at presidential candidate Rodrigo Duterte ang dahilan kung bakit inilihim nila ito sa mga mamamahayag.

Sa panayam ng media nitong Biyernes bago siya bumiyahe patungong Davao, sinabi ni Duterte na karaniwan siyang nakararamdam ng pagsakit ng ulo bunga ng slipped disc na nakuha niya sa isang aksidente.

Paliwanag pa niya, kailangan siyang operahan para maalis ang pananakit ng kaniyang ulo. Pero tutol daw dito ang kaniyang common-law wife na si Honeylet, na isang nurse, at kaniyang mga duktor dahil maaari umanong magkaproblema ang operasyon.

Para mabawasan ang sakit, minamasahe daw niya ang ibabang bahagi ng kaniyang tenga.

"Because sa spinal ko, that morning, sumakit lalo... I have this spinal issue," saad ng alkalde.

Taliwas sa paliwanag ng kampo ni Duterte na nagpahinga lang siya sa bahay at babalik na sa Davao nitong Huwebes ng gabi matapos sumakit ang ulo, napag-alaman na dinala ang alkalde sa Cardinal Santos Memorial Medical Center at doon nagpalipas ng magdamag.

Paliwanag ni Duterte sa paglilihim na dinala siya sa ospital, "Because I don’t want you to follow me in the hospital because in Davao minsan sinusundan ako sa loob, eh kung nakatuwad ako doon hinihiringga sa pwet.”

Nang tanungin kung makadadalo ba siya sa mga aktibidad niya sa Tagum at ilan pang siyudad sa Davao ngayong weekend, tugon ng alkalde, "Inshallah." (God willing)

Pinayuhan umano ng mga duktor si Duterte na magpahinga ng dalawa hanggang tatlong araw. Napag-alaman na mayroong acute bronchitis ang alkalde.

“Kung hindi bronchitis lang, kung cancer, eh 'di nandoon pa ako ngayon,” aniya. “Sabi niya [doctor], ‘Once you reach Davao, you have to rest.”

Itinanggi rin ni Duterte ang mga bali-balitang nagkaroon siya ng hangover dahil sa pag-inom ng alak.

"Hindi, ang duda ko parang nilason ako," anang alkalde. "Baka utos ni... Dalawa. Hindi naman pwede si Grace."

Tung sa tanong kung kakayanin ba niya ang tatlong buwan kampanya sa halalan, sabi ni Duterte, "Kung siguro dalawang taong kampanya, su-surrender na ako... Sa totoo lang, nagmo-motor ako buong Pilipinas... Kung yun lang about endurance. Kaya lang ako nadisgrasya."

'Di maglalabas medical records

Bagaman ibinabahagi ni Duterte ang lagay ng kaniyang kalusugan, hindi umano niya isasapubliko ang kaniyang medical records gaya ng hamon ni administration standard bearer Mar Roxas.

“Tanungin mo muna siya kung tuli ba siya. Hambugero ito. How could he suffer an accident like me kung ang motor niya matumba ilang metro lang siya. Hindi naman buhay lalaki si Mar eh. Kami, marami kaming bali,” ani Duterte.

“I will not do that... Ano ako buang? Para ka tuloy na you’re forcing yourself to say na I am not a liar,” dagdag niya.

Naniniwala si Duterte na hindi magiging usapin ang kalusugan at haba ng buhay sa pagboto ng mga tao.

"Alam mo sa totoo lang, kung gusto ako ng mga Pilipino, kahit alam nila na isang linggo lang akong buhay, payag na iyan sila, susugal na iyang Pilipino sa akin,” aniya.

Nauna nang inamin ni Duterte ang iba pang problema sa kaniyang kalusugan na Buerger’s disease at Barrett’s esophagus. -- FRJ, GMA News