Batang may 'sanib,' nilunod at inapakan daw hanggang mapatay ng faith healer
Kalunos-lunos ang sinapit ng isang batang lalaki na limang-taong-gulang sa kamay ng kaniyang kamag-anak na faith healer umano sa Camarines Sur. Ang musmos na katawan ng biktima, inilublob sa timbang may tubig at inapak-apakan umano na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Sa ulat ng GMA News Balita Pilipinas nitong Huwebes, sinabing ginamot daw ng menor de edad na babaeng faith healer sa Pasacao, Camarines Sur, ang bata para mapaalis ang masamang espiritu na sumanib daw sa biktima.
Ayon sa saksi, inilublob daw ng suspek ang bata sa isang timba ng tubig. Sinakal pa raw ito at inapak-apakan sa dibdib.
Tumulong pa umano sa pagpapahirap sa bata ang ama at kapatid ng suspek.
Paliwanag daw ng suspek, kailangang mamatay ang bata para tuluyang maalis ang masamang espiritu na sumanib dito. Mabubuhay naman daw ang bata pagkatapos ng tatlong araw.
Sa isinagawang awtopsiya sa bangkay ng biktima, lumabas na may namuong dugo malapit sa kanyang puso.
Paliwanag ng suspek na nagpakilalang faith healer, wala siya sa sarili nang mangyari ang insidente.
Nang mga sandaling ginagawa raw ang paggamot sa biktima, napaliligiran umano siya ng mga alagang duwende.
Ganito rin umano ang inihayag ng ama at kapatid ng suspek.
Bukod sa tatlong mag-anak, inaresto rin ng mga awtoridad ang isa pa umanong faith healer na sangkot din daw sa nangyari.
Pero itinanggi niya ang paratang laban sa kaniya. -- FRJ, GMA News