Mga tricycle at motorsiklo, bawal na sa Baguio city
Binuhay ng lokal na pamahalaan ng Baguio City ang isang lumang ordinansa para ipinagbabawal ang pagbiyahe ng mga tricycle at motorsiklo sa lungsod.
Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA News Balita Pilipinas nitong Huwebes, sinabing sa pamamagitan ng isang memorandum ay binuhay nitong nakaraang linggo ng lokal na pamahalaan ang ordinansa na unang ipinasa noong 1960's.
Nakasaad sa nasabing ordinansa na ipagbawal ang mga motorsiklo at tricycle dahil lumilikha ang mga ito ng polusyon sa hangin at ingay.
Pero noong 2012, inamyendahan ang ordinansa para pinayagan na muling makabiyahe ang mga motorsiklo sa lungsod, maliban sa ilang pangunahing kalsada tulad ng Session Road, Magsaysay Avenue at General Luna Road.
Sa ipinalabas na memorandum noong Pebrero 5, muling ipatutupad ng lokal na pamahalaan ang lumang ordinansa laban sa pagbiyahe ng motorsiklo at tricycle.
Bagaman kasama sa lumang ordinansa ang pagbabawal sa paggamit ng mga bisikleta, nilinaw ni Mayor Mauricio Domogan na hindi kasamang huhulihin ang mga bicycle rider dahil hindi naman sila nakadadagdag sa polusyon.
Magsasagawa rin umano ng pampublikong pagdinig ang lokal na pamahalaan para tuluyan para amyendahan ang ordinansa at matanggal na sa listahan ang bisikleta sa listahan ng mga ipinagbabawal. -- FRJ, GMA News