ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Wanted sa kasong rape, nahuli nang mag-aplay ng police clearance


Hindi marahil inakala ng isang lalaki na halos isang dekada nang nagtatago sa batas dahil sa kasong rape sa Ifugao, na mahuhuli siya ng mga awtoridad sa Metro Manila matapos magtungo mismo sa Camp Crame para kumuha ng police clearance.

Sa exclusive report ni Emil Sumangil sa GMA News QRT nitong Biyernes, kinilala ang dinakip na suspek na si Miguel Lindawan Buhay. Bukod sa three counts ng rape na isinampa ng kaniyang pamangkin sa Asipulo, Ifugao noong 2007, nahaharap din siya sa kasong paglabag sa Presidential Decree 705 o  Forestry Reform Code dahil sa pagputol ng mga puno para sa kaniyang bahay.

Ayon kay Senior Supt. Ronald Oliver Lee, hepe ng CIDG-NCR,  walang kamalay-malay si Buhay na may lumabas na marka o "hit" sa data base computer  ng PNP Clearance Application Center nang mag-aplay ito ng police clearance.

Habang naghihintay ang suspek sa loob ng tanggapan, simpleng lumabas ang isang kawani para magtungo sa CIDG upang itimbre si Buhay na lumitaw sa record na pinaghahanap ng batas.

Kaagad na nagsagawa ng verification ang CIDG at nang makumpirma ang pagkatao ni Buhay, binuo na ang arresting team para dakpin ang suspek.

Iginiit naman ni Buhay na inosente siya sa ibinibintang na kaso sa kaniya ng pamangkin.

Hinikayat naman ni Lee ang mga kumukuha ng trabahador na isama sa hihinging requirements ng aplikante ang police clearance.

Paniwala ng opisyal, posibleng hindi inakala ni Buhay na buhay pa rin ang record sa kinakaharap nitong kaso matapos ang paglipas ng maraming taon na hindi siya nadadakip. -- FRJ, GMA News

Tags: wanted