Batang 12-anyos, nagbihis-pulis at nangotong daw sa mga tsuper
Maraming bata ang nangangarap na maging pulis paglaki upang manghuli ng mga kriminal. Pero ang isang 12-anyos na batang lalaki sa Pasay City, maagang tinupad ang kaniyang pangarap pero tila maaga ring naligaw ng landas.
Sa ulat ni dzBB radio reporter Nimfa Ravelo sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing "sinagip" ng mga tunay na pulis-Pasay ang 12-anyos lalki na itinago sa pangalang Jasper matapos daw na mag-asal police scalawag na nangongotong sa mga drayber ng bus at jeep sa Rotonda.
Ayon kay Sr. Supt. Joel Doria, hepe ng Pasay police, dakong 4:00 a.m. nang natiyempuhan ng mga tauhan ng Pasay Police-Station 4 si Jasper na nag-iisyu ng pekeng ticket sa mga driver ng jeep.
Nakita rin na may nakasukbit sa unipormeng pulis ng bata ang isang baril-barilan na 9mm.
Nang kausapin umano ng mga pulis ang bata, tumanggi siyang magsalita dahil ang gusto raw niyang makaharap ay tulad daw niyang opisyal.
May ranggong senior inspector na nakalagay sa uniporme ng bata.
Aminado raw ang bata na naninita siya ng mga jeep at bus na lumalabag sa trapiko para makatulong at hinihingan niya ang mga ito gn P100.
Nagbibigay naman daw ang mga tsuper ng pera dahil sa pananakot ng bata na ipahuhuli sila sa totoong pulis kapag hindi nagbigay.
Napag-alaman na nakatira ang bata sa Bicutan, Taguig at araw-araw na nagpupunta sa Rotonda, Pasay gamit ang bisikleta na nilagyan ng asul at pulang blinkers.
Tikom ang bibig ng bata nang tanungin kung sino ang kanyang mga magulang o guardian, at kung sino ang nagpapa-poste sa kanya sa Edsa, Rotonda sa Pasay.
Batay sa kanilang impormasyon, sinabi ni Doria na mayroon pulis na taga-NCRPO sa Bicutan na nag-alaga sa bata.
Nilinaw din ni Doria na hindi dinakip ang bata kung hindi sinagip dahil menor de edad ito.
Ibinigay muna sa pangangalaga ng Pasay Youth Center si Jasper habang iniimbestigahan ng Pasay police kung totoong alaga ito ng isang pulis at inaalam ang kaniyang tunay na mga magulang. -- FRJ, GMA News