'Little President' na si Jojo Ochoa, sumama sa kampanya ni Roxas sa Bulacan
Nakasama ni Pangulong Benigno Aquino III sa pangangampanya para kay Liberal Party standard bearer Mar Roxas nitong Martes sa Bulacan ang tinaguriang "Little President" na si Executive Secretary Paquito "Jojo" Ochoa Jr.
Sa pagtitipon na ginanap sa Bulacan Sports Complex, binanggit nina Aquino at Roxas ang pangalan ni Ochoa.
Una rito, sinabi ni Undersecretary Manuel Quezon III of the Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO), na solido ang suporta ng mga kaalyado ni Aquino kay Roxas.
“I believe that the ruling coalition is solid and...in fact, dahil tinatanong ito, nagpapatunay na kinakabahan ang ating kalaban,” ayon kay Quezon.
Malapit na kaibigan ng ama ni Aquino --ang namayapang si Sen. Ninoy Aquino, ang ama ni Ochoa, na dating alkalde ng Pulilan, Bulacan.
Noong 2010 presidential elections, naugnay si Ochoa sa tinaguriang "Samar Group" na sumuporta umano sa tambalan ng noo'y kandidatong pangulo na si Aquino, at kandidato sa pagka-bise presidente na si Jejomar Binay-- o ang "NoyBi."
Sa naturang halalan, ang opisyal na running mate ni Aquino sa kanilang partido na LP ay si Roxas.
Tinawag naman na "Balay Group" ang sumuporta sa tambalang Aquino-Roxas.
Nanalo sa halalan na may maliit na kalamangan ng mga boto si Binay kontra kay Roxas.
Gayunman, walang nagkumpirma sa mga opisyal sa Palasyo na mayroong "Samar" at "Balay" group.
Sa darating na May elections, muling maglalaban sina Roxas at Binay pero sa mas mataas na posisyon-- ang panguluhan.
Katunggali rin nila sina Sen. Grace Poe, Sen. Miriam Defensor Santiago at Davao City Mayor Rodrigo Duterte.-- FRJ, GMA News