Preso, nakatulong para madakip ang lalaking nanloko at nagnakaw sa 5 babae
Nadakip na ang lalaking nag-alok ng trabaho sa limang babae sa Marikina City, na kinalaunan ay pagnanakawan lang pala niya ng mga gamit.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules ng gabi, muling nakaharap ng mga biktima sa Antipolo-PNP Headquarters ang nadakip na suspek na si Jason Bautista.
Natukoy ang pagkakakilanlan ni Bautista nang mapanood ng isang bilanggo ang balita at makita ang kaniyang larawan kaugnay sa ginawang panloloko sa mga babaeng biktima.
Kaagad na nagsagawa ng beripikasyon ang pulisya at nang magpositibo ay isinagawa na operasyon para madakip ito.
Napag-alaman na dati nang nakulong si Bautista dahil sa reklamong panloloko rin pero nakalaya.
Sa himpilan ng pulisya, itinanggi pa ni Bautista sa simula ang ginawang krimen pero kinalaunan ay umamin din.
Miyerkules noong nakaraang linggo nang alukin umano ng trabaho ang mga biktima na residente ng Marikina, para mamasukin sa isang catering services.
Dinala nito ang mga biktima sa Cubao para umano sa interview. Pero pinaghiwahiwalay niya ang mga babae hanggang sa makakuha ng tiyempo na agawin ang bag ng isang biktima na naglalaman ng kanilang mga gamit.
Natangay nito ang bag kasama ang apat na cellphone, pera at iba pang gamit.
Lalo namang nagalit ang mga biktima nang sisihin pa sila ng suspek dahil sa umano'y sirang mga cellphone kaya na mura lang daw niya naibenta.
Ayon sa pulisya, bukod sa mga biktima, may naloko na rin daw ang suspek sa Montalban at nakulong sa Antipolo police station pero nakalaya noong Enero. -- FRJ, GMA News