ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga senior citizen, ginagamit na rin daw ng sindikato para magpuslit ng droga


Nagbabala ang mga awtoridad sa bagong modus ng sindikato na gumagamit umano sa mga nakatatanda para magpuslit ng iligal na droga.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing binabantayan ngayon ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang posibleng paggamit ng mga sindikato sa mga senior citizen para makapagpalusot ng bawal na droga sa mga dalang bagahe.

Ang ganitong modus ay nauuso na raw ngayon sa ibang bansa gaya sa Amerika. Kaya naman hindi raw malayong ginagawa na rin ito sa bansa.

Karaniwan umanong nililinlang ang mga matatanda para magbitbit ng bagahe na may lamang droga. Habang mayroon din umano na talagang sangkot at nagsisilbing courier.

"Mayroon ngayong trend sa US yata lumabas yun na mga senior citizens. Ang iba nga unknowingly nagagamit. Eh kasi siyempre sino magdududa, matanda 'yan." ayon kay Erwin Sangre Ogario, Regional Director, PDEA-NCR.

Nananatiling malaki pa rin daw ang problema ng Pilipinas sa droga, na batay sa datos ng PDEA noong 2012, nasa 1.3 milyong Pinoy ang lulong sa ipinagbabawal na gamot.

Sa Metro Manila, nasa 835 barangay o 49 porsiyento ng lahat ng 1,706 barangay ang may mga pusher at drug den.

Sa kabila nito, hindi naman daw nagkukulang ang gobyerno sa mga anti-illegal drug operation.

Noong nakaraang taon, nasa 19,000 daw ang mga naaresto, higit na mataas sa 13,000 na pag-areto noong 20-14 at 9,000 noong 2013. -- FRJ, GMA News