Pinsala ng El Niño sa agrikultura, nasa mahigit P4.7 bilyon na —DA
Nalugi na ng mahigit P4.7 bilyon ang agrilultura ng bansa dahil sa the El Niño phenomenon na nagsimula noon pang Pebrero ng nakaraang taon.
Ipinahayag ng Department of Agriculture (DA) nitong Miyerkules na batay sa kanilang pag-aaral, naapektuhan ng napakahabang tagtuyot ang aabot sa 222, 781 ektarya ng mga sakahan sa buong bansa.
Ito'y katumbas ng 349,620 metriko tonelada ng mga nasirang pananim na tinatayang nagkakahalaga ng P4.77 bilyon mula Feb 2015 hanggang Feb. 2016.
Nitong 2016, umabot na sa P1.343 bilyon ang pinsala dulot ng El Niño sa pananim sa kabuuang 76,593 ektaryang sakahan sa walong rehiyon sa bansa.
Ipinakikita rin sa datos ng DA na noong nakaraang Pebrero, nawalan ng aabot sa 119,000 metriko toneladang produkto ang may 26, 54,619 magsasaka.
Nagtamo ng pinakamalaking pinsala ang Northern Mindanao (Region 10) at sa pagtataya ng DA, aabot sa P358.4 milyon ang nawala sa mga magsasaka dahil sa tagtuyot.
Sumunod ang Western Visayas na may P356.56 milyong pagkalugi; ang Soccsksargen ay P232.89M; ARMM aabot sa P214.6M; Mimaropa P154.19M; Zamboanga P14.02M; Ilocos P10.27M; at Caraga P2.99M.
Nagtamo ng pinsalang aabot sa P864.37 milyon ang sektor ng palayan o 50,494 MT ang nawala sa produksyon.
Ang sa maisan ay may P477.48M pagkalugi, o 56,455 MT; at P2.07M o pagkawala ng 12,390 MT ng high-value crops.
Nagsagawa na ng cloud seeding ang DA upang maibsan ang kawalan ng ulan sa mga apektadong mga rehiyon. — LBG, GMA News