Karinderya na kasama raw ang shabu sa paninda, sinalakay
Sinalakay ng mga awtoridad ang isang karinderya sa Cotabato City, na hindi lang daw pagkain ang paninda kung hindi maging iligal na droga.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabing kasama ang isang menor de edad sa sampung tao na naaresto sa karinderyang ginagawa rin daw shabu tiangge.
Kasama rin umano sa mga nadakip ng mga awtoridad ang tatlong tulak umano ng droga.
Nakuha sa mga suspek ang isang supot at ilang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Sasampahan ng reklamong paglabag sa comprehensive dangerous drugs act ang mga naaresto, maliban sa menor de edad na dadalhin sa Department of Social Welfare and Development.
Samantala, apat katao naman ang nadakip sa isinagawang buy bust operation sa isang mall sa Iligan city.
Nagresulta ito sa pagkakasamsam ng dalawang kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P3 milyon.
Arestado sa operasyon na isinagawa ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency sina Sanawiya Ampaso, Khadafi Aloyodan, Jamey Sarif at Ryan Abdul Malik.
Itinanggi ni Ampaso na sangkot siya sa kalakaran ng droga. Hindi naman nagbigay ng pahayag ang tatlo pang naaresto. -- FRJ, GMA News