ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Arroyo: Tigil muna ang pamumulitika sa Mindanao


Nakiusap si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nitong Martes na isantabi muna ang mga makasariling pamumulitika para sa kapayapaan sa Mindanao. Nagsalita ang Pangulo sa pagtitipon ng National Security Council (NSC) tungkol sa mithiin na makamtan ang kapayapaan sa Mindanao sa kabila ng patuloy na opensiba laban sa Abu Sayyaf sa Basilan at Sulu. "It is imperative that we all work together without selfish politicking to preserve the peace we have achieved so far and to advance it toward a final agreement so far and to advance it toward a final agreement and the massive development that will follow," paliwanag ng Pangulo. Idinagdag niya na ang pulong ay nakatuon upang ipaalam sa mga lider ang mga ginagawa ng pamahalaan para sa kaunlaran ng Basilan at Sulu, ang dalawang lalawigan kung saan maraming namatay na mga sundalo sa kasagsagan ng engkwentro sa mga rebeldeng grupo. "[I want] to consult them (leaders) on our unrelenting efforts to forge lasting peace with justice, harmony and security for all Mindanaoans and the rest of the Filipino nation," sabi ni Mrs Arroyo. Noong July 10, inako ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang responsibilidad sa pag-atake sa pwersa ng pamahalaan sa bayan ng Al-Barka, Basilan. Umabot sa 14 na Marines ang nasawi at 10 sa kanila ay pinugutan ng ulo. Subalit mariing itinanggi ng MILF na sila ang may kagagawan ng pagpugot ng ulo ng mga sundalo. Samantala, inamin naman ng Moro National Liberation Front (MNLF), ang isang pag-atake sa tropa ng militar sa Sulu kung saan 26 na sundalo ang napatay noong nakaraang linggo. Nakabinbin ang usapang pangkapayapaan ng gobyerno at MILF, habang lumagda na sa peace accord noong 1996 ang MNLF. Nitong Lunes, sinabi ni Arroyo na respetuhin ng militar ang “ceasefire guidelines" na may konsultasyon sa International Monitoring Team. Nanawagan din siya sa MILF para sa mahalagang pag-uusap sa lalong madaling panahon sa ilalim ng pamamahala ng Malaysia. Kabilang sa mga peace efforts na binanggit nitong Martes ay ang proteksyon ng mga sibilyan sa lugar ng bakbakan na sang-ayon sa kanyang direktiba isang araw bago ang opensiba sa Sulu at Basilan. Ang iba pang hakbang na ginagawa ng pamahalaan ay ang mahigpit na pagsunod sa mga patakaran ng tigil-putukan, pagsangguni sa lahag ng sektor at suporta ng ibang bansa para sa kapayapaan at kaunlaran, mabilis na paggawa ng mga proyekto at programang pagawain, kalusugan. edukasyon, pabahay, pangkabuhayan, pagsasaka at pangingisda at ang kasanayan tungkol sa kaalaman at kultura ng mga Muslim sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM)." - Mark J. Ubalde, GMANews.TV