'Kwek-kwek babe' ng Olongapo, larawan ng masipag at magandang Pinay
Marami ang humahanga sa isang 23-anyos na babae sa Olongapo City matapos mag-viral kaniyang larawan sa social media habang nagtitinda ng street foods tulad ng "kwek-kwek." Bukod kasi sa kagandahan, masipag din sa paghahanap-buhay ang babae para matulungan ang kaniyang pamilya.
Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Lunes, nakilala ang tinawag na "Kwek-kwek babe" ng Olongapo City na si Precious Gem Layug.
Maraming netizens ang humanga sa maamong mukha ni Layug at mahabang buhok habang nagtitinda ng street foods.
Sa panayam ng GMA News kay Layug, napag-alaman na may-asawa na si "Kwek-kwek girl" at may isang anak na lalaki, na apat na taong gulang na.
Madalas daw nagtitinda si Layug sa gilid ng isang simbahan at eskwelahan. At dinudumog nama ang kaniyang mga paninda.
Pero hindi lang daw good looks ang dapat na hangaan kay Layug kung hindi pati ang kanyang kasipagan, at pagiging mabuting ina.
Nakaabot si Layug sa second year college sa kursong civil engineering pero kinailangan niyang tumigil sa pag-aaral at maghanapbuhay katuwang ang kanyang mister para sa kanilang anak.
Saad niya sa mga positibong komento ng netizens, "Nagpapasalamat po ako sa kanila na kahit papaano tinutularan nila kung anuman yung mga ginagawa ko." -- FRJ, GMA News