ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Mag-inang nadamay, kritikal

Barilan ng dalawang lalaki sa kalsada, nahuli-cam; 1, patay


Nakunan sa closed-circuit-television camera ang engkuwentro sa kalye ng dalawang lalaki sa Batangas na matagal na umanong may alitan. Patay ang isa sa kanila, habang nadamay naman ang mag-ina ng isa pa.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing naganap ang barilan ng dalawang lalaki na na Petronilo Lascano at Restituto Sode sa Tanauan City, noong Lunes.

Sa video, makikita na sakay ng kani-kanilang sasakyan ang dalawang lalaki na tumigil pagdating sa magkabilang direksyon. Kasama ni Lascano sa sasakyan ang kaniyang mag-ina.

Bumaba ng kani-kanilang sasakyan sina Lascano at Sode na parehong armado ng baril at nagpalitan ng putok habang napapagitnaan sila ng isa pang sasakyan.

Habang nakatago si Lascano sa likod ng naipit na SUV, pinuntirya ni Sode ang mag-ina ng kaniyang kalaban na kritikal ngayon ang lagay.

Hindi nagtagal, napuruhan ni Lascano si Sode na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente, at pinaghahanap si Lascano. -- FRJ, GMA News

Tags: crime, shooting