'Right to remain silent,' 'di raw gagamitin ni Kim Wong kapag humarap sa Senado
Haharap daw sa pagdinig ng Senado sa susunod na linggo si Kim Wong, ang sinasabing nakinabang sa bahagi ng $81 milyong pera na nanakaw ng hacker sa Bangladesh central bank at naipadaan sa isang bangko sa Pilipinas.
Sa ulat ng Reuters, sinabi umano ni Atty. Victor Fernandez, abogado ni Wong, na handang magsalita sa open session ng Senado ang kaniyang kliyente.
"He will answer everything. He will not invoke his right to remain silent," ani Fernandez. "He will answer these questions in open session."
Kabilang si Wong sa mga inimbitahan ng Senado noong nakaraang linggo pero hindi ito nakadalo dahil nasa Singapore. Ayon sa kaniyang abogado, babalik sa bansa si Wong sa Linggo at dadalo sa Senate hearing sa Lunes, March 29.
Pebrero nang pasukin umano ng hindi pa natutukoy na hacker ang computer systems ng Bangladesh Bank sa account nito sa Federal Reserve Bank of New York.
Bagaman naharang ang ibang paglilipat ng pera, nakapasok sa Pilipinas ang $81 milyon.
Batay sa inihaing reklamo ng Anti-money Laundering Council laban kay Wong sa Department of Justice, napunta umano ang $21 milyon ng nawawalang $81 milyon sa bank account ng Eastern Hawaii, isang kumpanya na nagpapatakbo ng casino resort sa Pilipinas.
Sinabing si Wong ang presidente at general manager ng nabanggit na kumpanya.
Nakasaad din sa reklamo na nagsagawa ng ilang withdrawal si Wong sa nabanggit na account noong Pebrero na umaabot sa P900.48 milyon.
Nagkaroon din umano ng paglilipat ng pera sa personal account ni Wong sa nasasangkot na bangko, at kinabukasan at nag-withdraw ng P400 milyon.
Sinikap umano ng Reuters na makuha ang panig ng binabanggit na kumpanya pero nabigo sila. –FRJ, GMA News