Effigies ni Trump, sinunog bilang bahagi ng Easter ritwal sa Mexico
Kakaibang effigy ang sinunog ng mga Katoliko sa Mexico City sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus sa taong ito—ang mga effigy ni US presidential Candidate Donald Trump.

Isa sa mga effigy ni Donald Trump na sinunog sa Mexico bilang bahagi ng Easter rituals. --Larawan mula sa Reuters
Nauna rito, ayon sa ulat ng Reuters, ikinagalit ng ng mga residente sa katimugang mga hangganan sa Amerika ang mga pahayag ni Trump laban sa mga Mexican immigrant.
Sa La Merced, Mexico, nagsisigaw ang mga residente ng "kamatayan" at ilan pang mga mapang-insultong salita habang nasusunog ng effigy ng real estate tycoon sa United States na si Donald Trump.
Ayon din sa ulat ng Reuters, maraming lugar sa Mexico ang nagsunog ng effigy ni Trump --mula Puebla hanggang Monterrey, ang itinuturing na industrial hub ng bansa.
Nakagawian ng mga taga-Mexico ang pagsunog sa effigy ni Judas Iscariot bilang bahagi ng mga ritwal sa Semana Santa. Kadalasan, mga effigy ng lokal na pulitiko ang sinusunog nila bilang si Hudas.
Ngunit sa taong ito, si Trump ng US ang pumalit kay Hudas.
Sa simula pa lamang, ikinagalit na ng Mexicans ang mga pahayag ni Trump, ang nangungunang nominado ng Republican Party sa US elelctions sa darating na Nobyembre 8.
Ipinapangako ni Trump sa kanyang pangangampanya na patatayuan niya ng pader ang katimugang hangganan ng US upang hindi na makapapasok ang mga illegal immigrant at ang droga sa US.
At, ayon umano kay Trump, ang Mexico ang magbabayad sa pader na itatayo.
Sinabi naman ni Mexican President Enrique Pena Nieto na hindi magbabayad ang kanyang bansa sa pader na itatayo ni Trump, sakaling manalo ito pagka-pangulo ng US.
Inihalintulad niya si Trump sa mga diktador na kagaya nina Adolf Hitler at Benito Mussolini.
Anyon din sa ulat ng Reuters, inakusahan ni Trump ang Mexico na siyang nagpapadala ng mga rapist, drug pushers, at iba pang uri ng mga kriminal sa US.
Nabanggit din sa ulat ng Reuters na ang pagsusunog ng effigies sa Semana Santa ay karaniwang gawain sa maraming mga bayan sa mga bansa sa Latin America, kabilang ang Venezuela at ilang bahagi ng Greece.
Ayon sa mga anthropologist, ang kagawiang ito ay nagsisimbolo sa mga pagsisikap na magkaisa ang mga komunidad laban sa isang itinuturing nilang kaaway. — LBG, GMA News