Kaskaserong bus driver sa viral video, nag-e-LBM daw
Kumukulong tiyan dahil sa kinaing kakanin ang dahilan ng isang drayber kung bakit walang habas niyang minaneho ang isang pampasaherong bus sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City noong Miyerkules Santo.
Humarap nitong Martes sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang drayber ng Nova bus na si Jovencio Guingab upang magpaliwanag sa naging viral na video ng kanyang pagbangga sa isang puting van na may sakay na mga bata sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Jovencio Guingab, bus driver na nakuhanan ng video na barumbado sa Commonwealth Ave., humarap sa LTFRB | @allangatus pic.twitter.com/mFPPLJqHTX
— DZBB Super Radyo (@dzbb) March 29, 2016
Kuwento ni Guingab, bandang alas siyete ng umaga bumili siya ng kalamay na inilalako sa bahagi ng Coastal Road na kanyang inalmusal habang nasa biyahe.
Sa bahagi pa lamang daw ng EDSA-Boni nakaramdam na siya ng pagkulo ng tiyan.
Nagtuluy-tuloy ito hanggang sa Commonwealth Avenue kung saan umabot na raw sa punto na hindi na niya kinaya ang pagkulo ng kanyang tiyan.
Dito na niya tila iwinasiwas ang bus papunta sa tabi ng kalsada. Habang halos lumipad sa bilis sa pagtawid ng kalsada ay nabundol ng bus ang isang puting van.
Isinailalim na sa preventive suspension si Guingab dahil sa insidente at pinagmulta na rin ang Nova bus ng P10,000 para aregluhin ang nabundol na van.
Bukod dito, may posibilidad pa na matanggalan ng prangkisa ang bus.
Nahaharap din ang drayber sa kasong reckless driving at paglabag sa speed limit sa Commonwealth Avenue na may karampatan ding multa, suspension at kanselasyon ng lisensya sa pagmamaneho. —ALG, GMA News