Klase sa Metro Manilla suspendido dahil sa baha
Kinansela ang klase sa lahat ng antas ng edukasyon sa Metro Manila ngayong Miyerkules dahil sa biglaang malakas na ulan maaga pa lang at nagdulot ng pagbaha sa maraming kalsada. Bandang alas-9 ng umaga ay nag-anunsyo si Teresita Domalanta, NCR director ng Department of Education (DepEd), na suspendido na ang klase sa lahat ng pre-elementary, elementary at highschool levels, pribado man o pampublikong paaralan. Ilang minuto ang makalipas ay ang Commission on Higher Education naman ang tumawag sa dzBB radio upang sabihin na napagdesisyunan na rin na suspindihin ang klase pati sa kolehiyo, pribado man o publikong paaralan. Ayon kay Amelia Biglete, CHED director for Metro Manila, kinailangan nang suspindihin ang pasok sa lahat ng antas ng edukasyo dahil sa indikasyon na papasungit pa ang panahon. Dahil sa suspensyon ng klase habang nasa paaralan na ang mga estudyante, naging mas masikip ang mga binahang kalye sa maraming bahagi ng Metro Manila sanhi ng halos sabay-sabay na pag-uwi ng mga mag-aaral. Sandaling nagkaroon ng kaunting kalituhan dahil sa pahayag ni outgoing CHED chairman Carlito Puno na ipinauubaya niya sa mga pinuno ng mga kolehiyo at universidad ang desisyon sa pagsuspindi ng klase. Naayos naman ang lahat nang maglabas ng anunsyo si Biglete sa desisyon na kanselahin na ang klase sa kolehiyo ngayong Miyerkules. ] Sinabi ng DepEd at CHED na maglalabas sila muli ng pahayag bago matapos ang araw o sa Huwebes ng umaga kung may pasok ang eskwela sa Huwebes. Nakatakdang ipasa ni Puno ang kanyang posisyon kay Socio-economic Planning Secretary Romulo Neri. Sinabi ni Neri na matutuloy na ang kanyang pag-okupa sa pwesto sa kabila ng batikos na hindi siya kwalipikado sa posisyon dahil wala siyang doctoral degree. Ayon kay Neri, tinanong niya ang mga abogado sa Malacanang at sinabihan siya na hindi sagabal ang kakulangan sa antas ng pag-aaral upang umupo siya sa pwesto dahil pansamantala lamang naman siya doon at hindi magsisilbi sa buong termino na nakasaad sa batas. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV