Inireklamong bastos daw na taxi driver at ama ng kolehiya, nagkaharap na
Nagkaharap na sa pagdinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkules ang taxi driver na inireklamo ng pambabastos at ang ama ng kolehiyang nagrereklamo dahil sa paglalaro raw ng maselang bahagi ng katawan ng tsuper.
Sa ulat ng GMA News TV's QRT nitong Miyerkules, muling humarap sa pagdinig ng LTFRB ang taxi driver na si Raul Lumidilla, na nakapiit sa Camp Karingal ng Philippine National Police matapos basahan ng sakdal.
Ayon sa ama ng 17-anyos na kolehiyala, itutuloy nila ang kasong child abuse laban kay Lumidilla para maturuan ito ng leksyon.
Idinagdag niya na nakabalik na sa eskwelahan nitong Martes ang kaniyang anak matapos ma-trauma sa ginawa umano ng taxi driver.
Inihayag naman ng abogado ng taxi operator ng suspek na hindi nila kukunsintihin ang ginawa ni Lumidilla.
Sinuspindi na raw nila si Lumidilla at sumasailalim sa internal investigation ng operator.
Una rito, idinahilan ni Lumidilla na mayroon siyang UTI o urinary tract infection kaya niya nailabas ang kaniyang ari dahil sa naiihi na siya. -- FRJ, GMA News