ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Palitan ng sulat ng RP at Japan sa Jpepa kinuwestyon


Ang palitan ng “notes" sa pagitan ng Pilipinas at Japan ay hindi sapat upang ibsan ang pangamba ng ilang sektor na magiging tambakan ng mga mapanganib na basura ang bansa sa oras na pairalin ang kontrobersyal na kasunduan ng dalawang bansa. Ito ang iginiit ni Sen. Pia Cayetano nitong Miyerkules na ang isang "side note" sa pagitan nina Japanese Foreign Minister Taro Aso at Philippine Foreign Secretary Alberto Romulo ay hindi sapat na garantiya na ang Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (Jpepa) ay hindi magiging mapanganib sa kapaligiran. Sinabi nitong Miyerkules ni Philippine Ambassador to Tokyo Domingo Siazon na ang protocol na pinirmahan sa Japan ay isa lamang pormal na “exchange of notes" sa pagitan nina Aso at Romulo. Ayon kay Siazon, ang nasabing side notes ay sapat na upang pawiin ang mga pangamba sa pagkasira ng kalikasan dahil sa Jpepa. Subalit, kinuwestiyon ni Cayetano ang naganap na palitan ng “notes." "Is it the proper procedure to amend a bilateral agreement through a mere exchange of diplomatic notes? That needs to be clarified," sinabi ni senadora. "I think it's premature to conclude that the side note already puts a closure to the toxic waste issue, even as the Senate has yet to fully deliberate on the other portions of the agreement," idinagdag niya. Sinabi ni Sen. Cayetano na imbes na magpalitan ng notes, dapat ay ratipikahan na lamang ng dalawang bansa ang Basel Ban Amendment na naglalayong ipagbawal ang paglalakbay ng mga toxic waste mula mayaman patungong mahirap na bansa. "Ratifying the Basel Ban Amendment would provide greater protection to the Philippines from becoming a dumping ground for toxic wastes, not only from Japan, but also from other industrial countries," ayon kay Cayetano. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV