Poe, nangakong susugpuin ang krimen at iligal na droga
Tiniyak ni independent presidential candidate Sen. Grace Poe na susugpuin ng kaniyang magiging administrasyon ang problema sa droga at kriminalidad pero sa paraang naaayon sa batas at hindi puro patayan.
Sa kaniyang pag-iikot sa Laguna nitong Lunes ng gabi, sinabi ni Poe na sinimulan na niya ang pagbabago sa istratehiya ng kanyang pangangampanya.
Tutukan umano ng kaniyang pagiging pamahalaan ang pagsupo sa krimen lalo na ang iligal na droga.
Sinabi pa ng senadora na hindi niya sasantuhin ang mga tiwaling pulis. Samantala, makatatanaggap naman daw ng cash reward ang mga barangay na magiging drug at crime free.
Giit pa ni Poe, ang paraan ng pagsugpo niya sa kriminalidad ay hindi marahas at sa halip ay magiging patas at batay sa batas.
"Our problems that have to do with crime and drugs will be immediately addressed. But it will be addressed fairly and justly...Hindi lang po patayan ang solusyon palagi," giit niya.
Samantala, sa pangangampaniya naman ni Poe sa Srigao del Norte, pinabulaanan niya ang pahayag ni dating Senador Francisco Tatad na nakipagpulong siya kay Pangulong Benigno Aquino III, isang araw bago ilabas ng Korte Suprema ang pinal na pasya na nagpapahintulot sa kaniyang tumakbong pangulo.
Ayon sa senadora, nagulat sa alegasyon ni Tatad at tiniyak sa publiko na wala itong katotohanan at hindi siya nakipagpulong kay Aquino.
Sa naturang pangangampanya, nakuha ni Poe ang suporta nina Surigao del Norte Rep. Guillermo Romarate Jr. at dating Rep. Robert Ace Barbers.
Tumatakbo ngayong gobernador ng lalawigan si Romarate, habang hangad naman ni Barbers, kasapi ng Nacionalista Party (NP), na nakabalik bilang kongresista.
Samantala, sinabi ni Barbers na pinag-uusapan ng kanilang mga lokal na lider sa NP kung sino sa tatlo nilang kapartidong tumatakbong bise presidente ang kanilang susuportahan.
"Patuloy ang meeting kung sino ang susuportahan ng local leaders ng NP sa tatlo o hahayaan na lang na kani-kanilang pili," ani Barbers sa text message.
Ang tatlong kasapi ng NP na tumatakbong bise presidente ay sina Sens. Alan Peter Cayetano, Antonio Trillanes IV at Bongbong Marcos.
Kandidato ring bise presidente sina Sens. Francis Escudero at Gringo Honasan at Camarines Sur Rep. Leni Robredo.-- FRJ, GMA News