Pull out ng Nokia BL-5C battery tututukan ng DTI
Tututukan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang gagawing pag-pull out ng Nokia sa mga depektibong baterya na BL-5C, ayon sa ulat ng QTV 11 nitong Huwebes. Sa ulat ng Live on Q, kasama umano ng DTI sa gagawing pagmo-monitor sa pull out ng mga depektibong baterya ang National Telecommunication Commission (NTC). Ang hakbang ng DTI at NTC ay kailangan para maprotektahan ang karapatan at kaligtasan ng publiko at matiyak na mapapalitan ang baterya na maaaring depektibo. Nakatakda umanong magsagawa ng spot checking ang DTI sa mga cellphone outlets para alamin kung naalis na sa pamilihan ang mga bateryang gawa ng Nokia na ginawa mula Nobyembre 2005 hanggang Disyembre 2006 na sinasabing maaaring mag-init at sumabog habang kinakargahan ng kuryente. Suportado rin ng ahenya ang plano ng Nokia na maglabas ng public announcement sa mga pahayagan at ang pagbubukas ng hotline para sa kaalaman ng mga konsumer. Una rito, hinikayat ng Nokia na mag-log on ang mga konsumer sa http://www. nokia.com at i-click ang battery replacement link. Sa paggamit ng Internet, sinabi ni Nikka Singson Abes, Corporate Communications Manager ng Nokia Philippines Inc., na hindi na kailangang magtungo at pumila ang mga may-ari ng Nokia cellphone battery sa sangay ng Nokia para mapalitan ang kanilang baterya. âKailangan online 'yung replacement process. At most, if they go to the Nokia store, the Nokia personnel can help them identify if their battery is part of the advisory or not," paliwanag niya. âBut in terms of asking for an instant swap, a new battery for example, hindi namin 'yun magagawa sa ngayon," dagdag pa ni Abes. Ang mga depektibong BL-5C battery ay may posibilidad na mag-overheat at sumabog. Para naman kay Senate President Manny Villar Jr., kailangan umanong bilisan ang pagpapalit sa mga baterya ng cellphone upang maiwasan ang disgrasya sa mga gumagamit nito. Paliwanag ng senador, hindi lahat ng may cellphone ay may kaalaman at access sa paggamit ng Internet upang mapalitan ang depektibong baterya. âConsumer safety is crucial and must be urgently ensured. The failure to secure a replacement battery immediately from Nokia will leave poor users no choice but to continue using their defective batteries despite known risks," ani Villar. "I am asking the National Telecommunications Commission and the Department of Trade and Industry to step in and address this matter now in upholding the Consumer Safety Act," aniya. Tinatayang aabot sa 46 milyon ang Nokia cellphone batteries na sakop ng recall order sa buong mundo. - Fidel Jimenez, GMANews.TV