ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Cheaper medicines bill 'di matutulad sa Generics law - mambabatas


Tiniyak sa publiko ng mga mambabatas na nagtutulak sa Cheaper Medicines Bill sa Kamara de Representantes na hindi sasapitin ng panukalang batas ang naging kapalaran ng Generics Law na ang layunin ay mapababa ang halaga ng gamot. Mula nang maisabatas, ang mga murang gamot na pasok sa Generics Act ay kadalasang nabibili lamang sa government hospitals. Kung mayroon man sa commercial market, kailangan pa itong ipagtanong. Ayon kay Makati Rep. Teodoro Locsin nitong Huwebes, magpapasok ng probisyon si Laguna Rep. Justin Chipeco sa House Bill No. 1 o cheaper medicines bill, upang obligahin ang lahat ng botika, maging public o private, na magbenta ng murang gamot. Nakapaloob sa HB No. 1 na inihain ni Iloilo Rep. Ferjenel Biron na bumuo ang pamahalaan ng drug price regulatory board para i-regulate at i-monitor ang presyo ng gamot lalo na ang mga tinatawag na “life-saving medicines." “This has been the waterloo of the Generics Law. We know that these government hospitals are just very few. Now, if these retail stores will not comply, we have imposable penalties and we have a series of penalties for these," paliwanag ni Chipeco. Sinabi ni Chipeco na gusto nilang bigyan ng pagkakataon ang mga locally-manufactured medicines na kapantay ng foreign branded medicines pagdating sa bentahan sa merkado. Aniya, dapat makita ng mga mamimili ang mga murang gamot na kahanay ng branded medicines na nakikita sa telebisyon. Bagamat pareho lang ang bisa, maraming locally manufactured drugs na pasok sa Generics Act ang hindi kilala ng tao. “We want consumers to have a choice. Baka kasi itago lang ng mga drug stores ang mas murang gamot. These stores should carry both the local and imported medicines. Hindi nila dapat itago," aniya. Samantala, si Camarines Sur Rep. Diosdado “Dato" Arroyo ay naghain din ng hiwalay na panukala para bawasan ang bisa ng patent sa drugs at pharmaceutical products mula sa kasalukuyang 20 taon para gawing 10 taon na lamang. “Over the years, we have witnessed the steady increase in the cost of health services and medicines, which has not only burdened many of our marginalized countrymen but has also unduly undermined their basic right to a decent and blissful life," aniya. Naniniwala si Arroyo na makatutulong din ang House Bill No. 1706 para mapababa ang presyo ng gamot sa bansa kapag maagang natanggap ang patent ng kumpanyang nagma-may-ari ng gamot. Nais naman ni Biron na huwag na masyadong talakayin sa komite ang HB No. 1 at sa halip ay idiretso na ito sa plenaryo para mapagdebatihan at maaprubahan agad. Paliwanag niya, mahabang panahon na ang nagugol ng nagdaang Kongreso sa nasabing panukala na umabot sa second reading sa plenaryo bago inabutan ng pagsasara ng nagdaang 13th Congress. - Fidel Jimenez, GMANews.TV