ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Batang may bukol sa ilong, kailangan ng tulong para maoperahan


Sa edad na apat na taong gulang, hindi masilayan ang ngiti ng masayahing bata na si John Mikhail dahil sa malaking bukol na nakatakip sa kaniyang ilong at labi.

"Nung pinagbubuntis ko po si Mikhail, nagkasakit po ako tapos uminom ako ng gamot. Hindi ko naman po sukat akalain na magkakaganyan siya," emosyunal na kuwento ni nanay Wendelyn Membrere.

Habang lumalaki si Mikhail, lumalaki rin ang kaniyang bukol na ngayon ay kasing laki na ng kamao.

Dahil sa kondisyon niyang ito, hindi maigalaw ng bata ang kanyang braso at hirap din siyang lumakad at kumain.

Nasasaktan daw kasi ang bata kapag tinataas ang bukol para siya subuan ng pagkain.

Si Mikhail ay mayroong kondisyon na kung tawagin ay "frontoethmoidal encephalocele," na nagdudulot ng tumor.

Ang kondisyon na ito ay karaniwang nakukuha ng isang sanggol sa sinapupunan pa lamang at kung kulang sa folic acid ang ina.

Ayon kay Dr. Gil M. Vicente, kailangan isailalim ang bata sa skull base surgery. Bukod pa sa multi-disciplinary treatment para magtuloy-tuloy ang kaniyang progreso.

Hirap sa buhay ang ina ni Mikhail kaya nanawagan siya ng tulong para maisagawa ang operasyon sa kaniyang anak. -- FRJ, GMA News