ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNoy sa mga botante: 'Wag gawing biro ang darating na halalan


Pinaalalahanan ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang mga botante na suriing mabuti ang kakayahan ng kandidatong iboboto at huwag basta iboto dahil lang sa pagiging popular nito.

“Ang dapat ho yatang tanong e: ‘Sino ang iboboto, sino ba ang dapat manalo?’ Hindi yung popular, ‘yon na iboto natin,” pahayag ni Aquino sa mga dumalo sa kampanya ng mga administration candidates na sina Manuel “Mar” Roxas II at Leni Robredo sa Tuguegarao City, Cagayan nitong Lunes.

Pinuna rin ni Aquino ang isang kandidato na tumaas sa mga pre-election survey sakabila ng mga kontrobersiyal na mga pahayag.

“Ngayon nga ho sa mga survey, alam naman natin, nakikita natin, mayroon isa na nakakagulat. Pero palagay ko marami sa 'tin mag-iisip,” ani Aquino.

Dagdag pa niya, “Pag nagmura ka ba, may dadaling bigas ‘yan sa hapag-kainan ng Pilipino? Pag naghamon ka kaliwa’t kanan, makakakuha ba ng kakampi? Lalo na may problema tayo sa West Philippine Sea. 'Pag ikaw ayaw mo magsabi ng buong sagot pag ika’y tinatanong, ano aasahan natin pag ika’y naupo na?”

Sa mga pinakahuling survey, si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na kilala sa mga kontrobersiyal na pahayag sa kaniyang mga kampanya ang nangunguna.

Sinabi ni Aquino na dapat isipin ang mga botante ang susunod na henerasyon sa kanilang pagboto sa darating na Lunes, Mayo 9.

“Dapat puwede nating masabi, ‘di hamak mas maganda na pagkakataon niyo sa kinabukasan dahil pinagpaguran namin ‘yan at hindi namin kayo pinabayaan,” saad niya sa mga taong nagtungo Cagayan National High School.

Para kay Aquino, magiging referendum ang darating na halalan kung tama umano ang ginawa niyang pamamahala na daang matuwid.

“Huwag nating gawing biro-biro ‘yung darating na halalan sa Lunes. Hindi pwede ‘yung baka sakaling tumutoo ‘yung mga kalaban ni Mar Roxas. Baka sakaling alam nila ang ginagawa nila, baka sakaling tama sila. E bakit pa tayo magbabaka[sakali] kung may sigurado naman – Mar Roxas at Leni Robredo,” dagdag niya.

Voting is a moral obligation – Poe

Samantala, hinikayat naman ni independent presidential candidate Senator Grace Poe ang mga botante na ikonsidera ang panuntunan na iminungkahi ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) sa pagpili ng mga iboboto.

“We hope that the voters would be enlightened by the CBCP’s reminders. We should vote for the right reasons, because the exercise of the right of suffrage is not only a political right; it is also a moral obligation,” saad sa pahayag ni Poe.

Sa pamamagitan ng pastoral letter, pinayuhan ng CBCP  ang mga botante na pag-aralang mabuti ang mga iboboto at nagbabala laban sa mga kandidato na itinuturing “morally reprehensible” ang paninindigan sa ilang mahahalagang usapin ng lipunan.

Sinabi ni Poe, na tama ang Simbahang Katoliko sa paggiit sa kahalagahan ng “basic human elements of conscience, dignity and abiding faith” ngayong panahon ng kampanya.

Ito umano ang dahilan kung bakit mas pinili niyang pagtuunan ng pansin ang mga mahahalagang usapin ng bansa sa halip na makipagbatuhan ng putik.

"Respect should be the rule, even among political rivals,” dagdag ng senador. -- FRJ, GMA News

Tags: eleksyon2016