Bongbong, naungusan ni Leni sa pinakahuling VP poll ng Pulse Asia
Bahagyang Naungusan ni VP cadidate at Camarines Sur Rep. Leni Robredo ang katunggaling si Senator Bongbong Marcos sa pinakahuling survey na isinagawa ng Pulse Asia mula 26 hanggang 29 nitong Abril.
Pero ayon sa Pulse Asia, "statistically tied" pa rin ang dalawa kung pagbabatayan ng margin of error na ±1.5%.
Tumalon ng apat na puntos ang rating ni Robredo mula 26% sa April 19-24 survey tungo sa 30% nitong pinakahuli; samantalang si Marcos ay bumaba ng tatlong puntos mula sa 31% sa naunang survery ng Pulse Asia.
Sumunod sina Senators Chiz Escudero (18%) at Alan Peter Cayetano (15%). Hindi nagbago ang ratings ng dalawa mula sa naunang survey.
Samantala, sina Senators Gringo Honasan (3%) at Antonio Trillanes (2%) ay nananatili sa baba ng listahan.
Aabot naman sa 4% ng mga botante na kabilang sa survey ang "undecided." Isinagawa ng Pulse Asia ang survey sa ilalim ng sponsorship ng ABS-CBN.
Nagpahayag ng pasasalamat nitong Miyerkules si Robredo dahil sa resulta ng survey.
"We are grateful that we have finally topped the Pulse Asia survey with a few days to go before elections," ayon kay Robredo sa isang pormal na pahayag.
"Tuluy-tuloy lang po ang suporta para masiguro ang tunay na panalo sa ika-siyam ng Mayo," dagdag niya.
Kabilang sa mga mahahalagang pangyayari bago at sa panahon ng survey ay ang mga sumusunod:
- alegasyon ni Senator Antonio Trillanes IV laban kay Davao Mayor Rodrigo Duterte hinggil sa P 211 million na umano'y pera ng huli sa isang bank account;
- paglipat ni Albay governor Joey Salceda sa tungo sa kampo Senadora Grace Poe mula sa kampo ng Liberal Party fronrunner Mar Roxas; at
- huling bahagi ng presidential debates ng Comelec na idinaos sa Pangasinan, na dinaluhan ng lahat ng presidential bets.
Laman din sa mga pahayagan sa panahon ng survey ang mga sumusunod:
- pagkahuli ng pangalawang suspek ng sa hacking ng Comelec website;
- pagpugot sa ulo ng Canadian na isa sa mga bihag ng mga bandidong Abu Sayyaf group;
- inbestigasyon ng Department of Justice sa panibago na namanng kaso ng "tanim bala"; at
- ang pagpanaw ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
—LBG, GMA News