ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Poe, walang balak na umatras at tatapusin daw ang halalan


Pinabulaanan ni Senador Grace Poe nitong Huwebes ang mga umano'y balita na plano niyang umatras sa panguluhang halalan kasunod ng pagbaba niya sa pinakahuling pre-election survey.

BASAHIN: Duterte, nangunguna pa rin sa panibagong Pulse Asia survey

Sa press conference sa Makati City, binatikos ni Poe ang mga nagpapakalat umano ng balita na magbibigay-daan na siya sa ibang kandidato.

"Sa mga iba diyan na nagsasabi na dapat ay pagbigyan na lang ang iba para dalawa na lang ang naglalaban, sino ba sila para magsabi kung sino ang dapat pipiliin ng ating mga kababayan?" pahayag ng senadora.

Idinagdag niya na hindi siya papasok sa anumang kasunduan para umatras.

"Hindi po tayo sindikato na makikipag-ayusan kahit kanino para mawalan ng opsiyon ang ating mga kababayan," aniya. "Hindi rin ito isang transaksyon para ibenta ang mga pangarap ng ating mga kababayan."

Sinabi ni Poe na ginawa niya ang paglilinaw bunga ng mga natanggap na tawag at text na nagtatanong kung totoong iaatras niya ang kaniyang kandidatura.

'Palpak, kurap o berdugo?'

Sa hiwalay na panayam ng media nitong Miyerkules, sinabi ni Poe na ipinipresinta niya ang kaniyang sarili sa publiko bilang alternatibong pagpipilian sa mga kandidatong nagnanais mamuno sa bansa.

Naniniwala ang senadora na uhaw ang mga tao sa pagbabago dahil sa kabiguan umano ng gobyerno na maipatupad ang kanilang inaasahan. Ang naturang kabiguan ang nagtutulak umano sa mga tao na maghanap na mabilis na solusyon sa mga problema kahit may peligro.

"Kaya po sa ating mga kababayan, kahit na anong solusyon na lang basta mabilis, kapit sa patalim na silang lahat. Parang [kung] sino ang pwedeng mangako ng pinakamabilis na solusyon, maski na ano pa man ‘yan, tatanggapin na natin," paliwanag niya.

Gayunman, ipinaalala ni Poe na may ibang pagpipilian ang publiko sa uri ng pamamahala na iniaalok ang mga kandidato.

"Patuloy pa rin ang aking pag-aapela sa inyo sapagkat hindi naman yata tama na ang pagpipilian lang natin ay isang palpak, walang pakiramdam, at mabagal na gobyerno o isang gobyerno na corrupt o ang isang gobyerno na berdugo ang nagpapatakbo," pahayag ni Poe na iginiit na dapat maging magandang ehemplo at magbibigay ng pag-asa ang susunod na lider ng bansa. -- FRJ, GMA News

Tags: eleksyon2016