126-taong-gulang na rebulto ng Portuguese king, nawasak
Nauwi sa disgrasya ang planong pag-selfie umano nang malapitan ng isang lalaki sa isang makasaysayang rebulto ng 16th century Portuguese king nang maibagsak niya ito at masira.

Sa ulat ng Reuters, sinabi ng pulisya na bumagsak sa sahig at nabasag ang 126-taong-gulang na rebulto ni Dom Sebastiao na nakalagay sa Rossio railway station sa central Lisbon.
Ayon pa sa pulisya, umakyat sa pinaglalagyan ng rebulto ang lalaki para mag-selfie at doon na nangyari ang aksidente.
Tinangka raw ng lalaking hindi pinangalanan na tumakas pero nahuli siya ng mga awtoridad at kinasuhan.
Ang rebulto ni Dom Sebastiao na kasing-taas ng bata at may hawak na espada habang nakatayo ay nagawa noong 1890. Nakalagay ito sa harapan ng train station na idineklarang protected monument.
Sandaling namuno si Dom Sebastiao sa kalagitnaan ng 1557 at 1578, at pumanaw siya sa edad na 24 sa pakikidigma. -- FRJ, GMA News