ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Matandang ina ng biktima, nadamay

WATCH: Lalaking may kapansanan, inatake raw ng 3 kapitbahay


Nakunan sa closed-circuit-television camera ang pag-atake sa isang lalaking may kapansanan sa Makati City. Ang kaniyang matandang ina, nasaktan din nang umawat at sa pagnanais na protektahan ang anak.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, ipinakita ang bahagi ng CCTV footage sa nangyaring kaguluhan noong Martes ng gabi sa barangay Comembo.

Sa video footage, makikita ang pagdating sa lugar ng biktimang nakatungkod. Hindi nagtagal, nagkaroon na ng kaguluhan at panununtok ng tatlong lalaki sa biktima.

Umawat naman ang matandang ina ng biktima at niyakap ang kaniyang anak. Pero hindi pa rin daw tumigil ang mga nang-atake kaya tumama ang ilang suntok sa ginang.

Nang makapanayam, hiniling ng mag-inang biktima na huwag ipakita ang kaniyang mukha dahil sa usapin ng seguridad.

Samantala, itinuturo nilang sangkot sa pananakit ang magkapatid na Reyes at ama ng mga ito.

Nag-ugat umano ang gulo nang makiusap ang biktima sa mga Reyes na patahanin sa pag-iyak ang isang bata dahil dis-oras ng gabi.

Pero ikinagalit daw ito ng mga Reyes kaya inatake ang biktima.

Sabi pa ng biktima, amoy alak ang isa sa mga umatake sa kaniya na si Rogelio Reyes, na nagpakilala raw tagasuporta ni acting Mayor  Kid Peña.

Pero paliwanag ni Rogelio, una silang naagrabyado at hindi raw tama ang sinabi ng biktima na siya na ang magpapatahimik sa bata.

Inamin naman niya na nakainom siya at tagasuporta ng alkalde. Gayunman, humingi siya ng paumanhin sa biktima sa kaniyang nagawa.

Samantala, tiniyak naman ni Gilbert delos Reyes, tagapagsalita ng Makati City Hall, na aalamin nila kung totoong tagasuporta ni Mayor Peña si Reyes.

Dagdag ng opisyal, direktiba raw ng alkalde na papanagutin ang sinumang sangkot kahit kamag-anak, kaibigan o tauhan. -- FRJ, GMA News

Tags: hulicam