Call center agent na nag-post ng 'private video' nila ng dating nobya, inaresto
Nauwi sa kalbaryo ang dating matamis na pagtitinginan ng isang magkasintahan nang makipaghiwalay ang babae at ini-upload naman ng lalaki sa Facebook ang kanilang private video.
Sa exclusive report ni Emil Sumangil sa GMA news 24 Oras nitong Sabado, sinabing dinakip ng tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police (PNP-CIDG), ang 36- anyos na call center agent matapos ireklamo ng kaniyang 26-anyos na dating nobya.
Ayon sa biktima, ipinost ng lalaki ang kanilang private video sa Facebook nang tumanggi siyang makipagbalikan at muling makipagtalik dito.
Kuwento pa niya, tumagal ng halos isang taon ang kanilang relasyon at mabait naman daw ang lalaki noon at halos hindi siya mabastos.
Pero hindi nagtagal ay nagbago na raw ang ugali nito at naging seloso.
"Ayaw niya daw po akong mawala. Tapos ako daw po ang may kasalanan kung bakit nawalan siya ng pamilya.
Sinabi naman ni C/Insp. Romy Lanzarrote, chief, CIDG-CIDT Souther Metro Manila, nagbanta rin daw ang lalaki sa babae na papatayin ito at susunugin ang kanilang bahay kapag hindi muling nakipagkita at nakipagsiping.
Ayon sa biktima, hindi raw matanggap ng dating nobyo ang pakikipaghiwalay niya kaya inilagay sa Facebook ang kanilang private video.
Nagbanta rin daw ang lalaki na ipapakalat ang video kung hindi siya makikipagbalikan.
Paliwanag naman ng lalaki, "Buong pamilya ko natalikuran ko dahil sa kanya. And then later part nagkakaroon na po siya ng pagtingin sa iba kaya nagawa ko po yung mga bagay na 'yon."
Inamin umano ng lalaki sa CIDG na gumagamit siya ng iligal na droga pero hindi raw siya nagsisisi sa kanyang ginawa. -- FRJ, GMA News