4 na preso, nakatakas matapos mang-hostage ng mga bisita sa Dumaguete City
Apat na preso sa Dumaguete city, Negros Oriental ang pumuga matapos mang-hostage ng mga bisita isang araw bago ang eleksyon. Samantala, ilang preso naman ang pinayagang makaboto sa kani-kanilang piitan.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabing ilang bisita ang binihag ng mga bilanggong tumakas na sina James Magdasal, Richard Balasabas, Maxino Aspacio, at Rico Bandico.
Ginawa ng mga preso ang pagtakas isang araw bago ang halalan.
Nanawagan ang jail warden sa mga residente na isumbong sa mga awtoridad kapag nakita ang mga tumakas na preso.
Sa kabila ng insidente, pinayagan naman ang iba pang bilanggo na makaboto.
Nasa 161 preso rin ang nakaboto sa Bayawan district jail na isinagawa ng Comelec at Bureau of Jail Management and Penology.
Sa Dagupan city, Pangasinan mahigit 500 preso rin ang nakaboto, habang hindi naman umabot sa 100 ang preso na nakaboto sa Abra Provincial Jail. -- FRJ, GMA News