ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Proklamasyon ng kalaban ni Imelda Papin na si Noli Fuentebella, natuloy


Sa kabila ng pagharang ng singer na si Imelda Papin, natuloy ang proklamasyon ni Arnulfo 'Noli' Fuentebella bilang kongresista sa ika-apat na distrito ng Camarines Sur.

Batay sa dokumento na ipinadala sa GMA News Online ni outgoing Camarines Sur Rep. William “Wimpy” Fuentebella, nakasaad na inaprubahan ng provincial board of canvassers ang proklamasyon ng kaniyang ama na si "Noli" bago maghating-gabi nitong Huwebes.

 


Sa partial at unofficial count ng Comelec-GMA mirror server, nakasaad na nakakuha ang nakatatandang Fuentebella ng 83,969 boto, habang mayroong 83,229 si Papin.

Si Wimpy ang nakalaban at tumalo kay Aga Muhlach noong 2013 elections sa nasabing distrito.

Una rito, iniulat sa GMA News TV's Balitanghali nitong Biyernes, na pinigilan ni Papin ang proklamasyon ni Fuentebella  dahil hindi pa umano nabubuksan at naita-transmit ang resulta ng botohan sa bayan ng Tinambac.

Paniwala ni Papin, lamang siya kay Fuentabella ng mahigit isang 1,000 at matatakpan nito ang kalamangan sa kaniya ng kalaban.

Paliwanag naman ng Comelec sa Camarines Sur, naaantala ang pag-transmit ng resulta ng mga boto dahil dinala muna sa Maynila ang SD card na hindi binabasa sa Tinambac.

Naaantala rin ang resulta sa 3rd at 4th district ng Camarines Sur dahil sa kaparehong problema sa election returns mula sa Calabangga.

Alamin ang resulta ng halalan sa lalawigan na muling pamumunuan ni reelectionist governor Migz Villafuerte. (i-click resulta ng halalan sa CamSur). -- FRJ, GMA News

Tags: eleksyon2016