Lalaking nasagasaan ng tren, nahati ang katawan
Patay ang isang lalaki at nahati ang kaniyang katawan nang masagasaan ng tren ng Philippine National Railways (PNR) sa Tondo, Manila.
Sa ulat ni Isay Reyes sa GMA News 24 Oras nitong Sabado, kinilala ang biktima na si Alejandro Marquez, empleyado ng impounding division ng Manila Traffic and Parking Bureau.
Kuwento ni Rodel Dolorico, binabaklas nila ni Marquez sa gilid ng riles ang isang sirang telebisyon para ikalakal.
Nang patawid na umano si Marquez ng riles para kumuha ng damit sa kanilang bahay, dumating ang tren na mabilis daw ang takbo at nasagasaan ang biktima.
Nananawagan naman ng tulong sa pamunuan ng PNR ang pamilya ng biktima.
Wala pang pahayag at mag-iimbestiga pa umano ang PNR sa nangyari.
Ayon sa kapitan ng barangay, kadalasan daw na hindi bumubusina ang mga tren na dumadaan sa kanilang lugar.
Hinala niya, bunga ito ng pagkainis ng mga makinista ng tren sa mga bata na nambabato sa kanila.
Patuloy naman daw ang paalala nila sa mga residente na bawal dumaan at tumambay sa riles.
Nanawagan din sila sa pamunuan ng PNR na ituloy ang pagbabakod sa lugar para maiwasan ang disgrasya. -- FRJ, GMA News