PAGASA: Panahon ng tag-ulan, nagsimula na
Opisyal nang idineklara ng state weather bureau PAGASA nitong Martes na nagsimula na ang panahon ng tag-ulan sa bansa.
"These prominent changes suggest strong manifestation on the shift from dry season to wet season," ayon sa pahayag ni acting PAGASA administrator Vicente Manalo.
Ang southwest monsoon o hanging habagat umano ang nagdudulot ng kaulapan at mga pag-ulan sa bansa.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Anthony Lucero, hepe ng climate monitoring and prediction section ng PAGASA, na ang mga pag-ulan sa hapon ay, "classical manifestation of the onset of the rainy season."
Asahan na rin daw ang marami pang pag-ulan sa darating na mga araw.
Sa ulat ng Unang Hirit nitong Martes, sinabi ni GMA resident meteorologist Nathaniel “Mang Tani,” na kadalasang na may dalawang indikasyon na sinusuri para magdeklara ng panahon ng tag-ulan: ang pagbabago sa wind patterns at ang pagtaas ng naitatalang buhos ng ulan sa bansa.
“Dapat may pagbabago sa ihip ng hangin sa bansa partikular na ang pagsisimula ng southwest monsoon o hanging habagat,” ani Cruz.
“Dapat sa loob ng magkakasunod na limang ay may maobserbahan na 25mm na dami ng ulan sa five out of eight PAGASA stations,” dagdag niya.
Ang walong PAGASA station ay nasa Laoag, Vigan, Dagupan, Zambales, Metro Manila, Batangas, Mindoro at Iloilo City.
Bagaman isang indikasyon pa lang ang nakikita, kompiyansa si PAGASA Weather Division Chief Esperanza Cayanan, na ideklara na ang pagsisimula ng panahon ng tag-ulan bunga ng magiging pagtaya sa panahon ngayong linggo.
“Kung kukuwentahin natin, not totally 100 percent as of now na nakuha natin ‘yung criteria but then kailangan in-attest na po natin yung projection or yung forecast for the next three to five days, at nakita po sa ating models na makakaranas pa rin po tayo ng pag-ulan sa western section ng Philippines kaya inagahan po natin ang pag-announce,” paliwanag ni Cayanan.
Bukod dito, inagahan na rin umano ang deklarasyon ng panahon ng tag-ulan para makapaghanda ang publiko dahil sa nakitang epekto ng malakas na buhos ng ulan tulad ng pagbaha sa ilang lugar sa Metro Manila nitong nakalipas na mga araw.
Sa pag-ulan nitong Lunes ng gabi hanggang madaling araw ng Martes, umabot sa hanggang tuhod ang baha sa Maysilo Circle sa Mandaluyong City, ayon sa ulat ng Unang Balita.
Sa kabila ng pagdeklara ng panahon ng tag-ulan, sinabi ng PAGASA na mararamdaman pa rin ng bansa ang epekto ng El Niño phenomenon hanggang sa katapusan ng Hulyo.
Pagkatapos nito, asahan naman daw ang epekto ng La Niña na magdudulot ng mas maraming ulan simula sa Agosto.— FRJ, GMA News