ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kim Henares, nasaktan sa banat ni Duterte na talamak ang katiwalian sa BIR


Inamin ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Jacinto Henares na nasaktan siya sa alegasyon ni incoming President Rodrigo Duterte na kabilang ang kaniyang ahensiya na plano nitong buwagin dahil sa talamak na katiwalian.

"Nasasaktan ho ako para sa mga tao ko, sa BIR, kasi anim na taon ho silang nagtrabaho nang mabuti...Naiangat din namin, nila, ang estado ng bansang ito...Hindi nare-recognize [ang] efforts nila," pahayag ni Henares sa panayam ng GMA News' "Balitanghali."

Una rito, sinabi ni Duterte na plano niyang buwagin ang mga ahensiya na talamak ang katiwalian tulad ng BIR, Bureau of Customs, at Land Transportation Office (LTO).

Ayon kay Henares, wala siyang magagawa kung ito ang paniwala ni Duterte sa BIR.

Bilang presidente, magagawa rin umano ni Duterte kung ano ang naisin nito sa ahensiya.

"Siya naman ho ang President, pwede niya namang gawin ano ang gusto niyang gawin...Bahala siya anong gusto niyang gawin...Wala naman hong problema," dagdag ni Henares.

Tungkol sa alegasyon ng katiwalian sa BIR, pahayag ng opisyal, "Gusto ko mang maalis 'yan, we're in a cruel world... Sometimes there's somebody who does something wrong. That's the reality of life, we live in a sinful world. May mga taong kung minsan nagkakasala." — FRJ/KG, GMA News