Jeepney driver na nanghipo raw ng pasahero, nagpaliwanag sa kaniyang operator
Hindi pa rin nagpapakita sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang jeepney driver na nakunan ng video na nanghipo raw sa kaniyang babaeng pasahero.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing pinuntahan na ng LTFRB sa Fairview, Quezon City ang bahay ng jeepney operator na ipinasada ng inirereklamong drayber na si Emmanuel Hanopol Escalona.
Ipinaliwanag ng tauhan ng LTFRB sa operator ng jeep sa mag-asawang Johnny at Janet Buasen, na kailangan nilang humarap sa ahensiya at ibigay ang kanilang paliwanag tungkol sa insidente at inasal ng kanilang driver.
Ayon sa mag-asawa, dalawang araw nang hindi pumapasada para sa kanila si Escalona. Wala rin daw gustong humalili na magpasada ng kanilang jeep sa takot na madamay sa insidente.
Nagulat na lang daw sila nang mapanood sa telebisyon ang inasal ni Escalona.
Magdadalawang taon na raw nilang driver si Escalona at maayos naman daw itong magbayad ng "boundary" ng sasakyan.
Ayon kay Johnny, nang makausap niya si Escalona sa telepono, idinahilan nito na hindi raw niya alam ang kaniyang nagawa.
"Paghawak daw niya ng 'quinta' [kambyo] dun daw niya 'di namalayan nahawakan ang legs [ng pasaherong babae]. Ang sabi ko naman, ang quinta natin paabante bakit mo nahawakan legs niya," saad ni Johnny na naniniwala ring nagpapalusot na lang ang kaniyang drayber.
Hindi na raw nila papayagan si Escalona na ipasahada ang kanilang jeep.
Sa tulong ni Johnny, nakausap ng GMA News si Escalona at unang nakipagkasundo na makikipagkita sa munisipyo ng Malinta, Valenzuela para maibigay ang kanyang panig.
Sasangguni rin daw ito sa Public Attorney's Office.
Pero lumipas ang mga oras ay hindi nagpakita si Escalona, at hindi na rin siya makontak sa telepono.
Nangako naman ang kanyang operator na ihaharap nila sa LTFRB si Escalona. -- FRJ, GMA News