ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Miriam Santiago, nasa ICU sa Makati Medical Center


Inilipat sa intensive care unit ng Makati Medical si Senator Miriam Defensor Santiago matapos itong isugod noong Lunes sa naturang pagamutan, ayon sa pahayag ng tanggapan ng mambabatas nitong Miyerkules.

Si Santiago, na tumakbo sa pagkapangulo nitong nakataang halalan, ay patuloy na ginagamot sa kanyang sakit na lung cancer.

Inilipat umano sa ICU ang senadora noong Martes ng gabi, ayon sa asawa niyang si dating Interior Undersecretary Narciso "Jun" Santiago.

Ayon sa pahayag ng tanggapan ng senadora, "Jun said that Miriam is bearing well with her trademark sense of humor."

Pinagbabawalan ang mga bisita na dumalaw sa senadora at pati ang pagdadala ng mga regalo o bulaklak ay hindi rin pinahihintulutan, ayon umano sa asawa nito.

Pinasasalamatan raw ni Miriam ang kanyang pamilya,  mga kaibingan at mga tagasuporta sa kanilang mga dasal para sa kanyang paggaling.

Na-diagnose na may cancer ang sendora noong June 2014.

Noong nakaraang linggo, sinabi ni Miriam sa liderato ng Senado na i-extend niya ang kanyang medical leave matapos siya magkaroong anorexia (isang eating disorder) sanhi umano ng anti-cancer pill na tine-take niya.

"One of the medications [for cancer] has produced as side effect of anorexia, which renders me physically weak," ayon sa sulat ni Miriam kay Senate President Franklin Drilon noong May 24.

Magtatapos ang ikatlong termino ni Santiago bilang senador sa darating na June 30. —LBG, GMA News