ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Batang nawawala ng anim na araw sa Japan, natagpuan sa kagubatan


Matapos ang halos isang linggong paghahanap, natagpuan ang isang 7-anyos na lalaki  sa Japan na umano'y iniwan ng kanyang mga magulang malapit sa gubat dahil sa kakulitan nito.

Ligtas umano ang bata, maliban na lamang sa mababang body temperature nito, ayon sa duktor na tumingin sa kanya.

Sabi ng kanyang mga magulang, bigla na lamang umanong naglaho si Yamato Tanooka sa lugar sa tabing-kalsada ng tinakot nila itong iwanan dahil binabato ang mga dumadaang sasakyan.

Bilang pagdisiplina, iniwan nila ito sandali at nang balikan nila, wala na ang bata.

Nagulantang ang buong bansa sa nangyari sa bata at naging laman ng mga balita ang kanyang pagkawala. 

Daan-daang mga rescuer ang tumulong sa kasagsagan ng paghahanap.

Biglang naglaho ang bata at naka-survive sa kagubatan mula noong Sabado hanggang sa matagpuan siya nitong Biyernes.

Natagpuan si Tanooka sa loob ng isang gusali ng Japanese military base, may 4 km mula kung saan siya iniwan ng kanyang mga magulang.

"One of our soldiers was preparing for drills this morning and opened the door of a building on the base, and there he was," pahayag ng isang miyembro ng Japan Self-Defence Forces sa NHK national television.

"When asked 'are you Yamato?' Sagot ng bata sa sundalo, "Oo." Tapos sinabi umano ng bata na gutom na siya, kaya pinakain siya agad ng sundalo at binigyan ng tubig.

Agad na dinala ang bata sa ospital upang masuri ng duktor. "He was healthy except for low body temperature," ayon sa duktor at pinayuhan ang mga magulang na mananatili muna ito ng isang araw sa ospital upang masiguro ang kanyang kaligtasan.

Ikinwento ng bata na naglakad umano siya sa kabundukan hanggang sa makita niya ang isang gusali ng kampo.

Umani naman ng batikos sa social media ang mga magulang ng bata at kinukutya dahil umano sa kapabayaan. —LBG, GMA News