Pacquiao siniseryoso ang ensayo para kay Barrera
Tiwala ang Filipino boxing sensation na si Manny Pacquiao na muli nitong tatalunin sa ikalawang pagkakataon ang pambato ng Mexico na si Marco Antonio Barrera. Sa ulat ng Fightnews.com, sinabi ni Pacquiao na gagawin n'ya ang lahat upang talunin si Barrera sa kanilang paghaharap sa Oct. 6 sa Mandalay Bay Resort and Casino sa Las Vegas. Ang pahayag ay ginawa ni Pacquiao bilang reaksyon sa mga haka-haka na hindi nito siniseryoso ang pagsasanay sa rematch niya kay Barrera. Tinalo ni Pacquiao si Barrera sa kanilang unang paghaharap noong Nov. 15, 2003 sa 11th round ng kanilang sagupaan. "I will do everything to win this fight. I'm excited in meeting Barrera," pahayag ni Pacquiao. Sinabi ng Pinoy boxing icon na ibinibigay n'ya ang lahat tuwing nagsasanay siya. Marami rin umano ang posibleng magulat sa ginawa niyang paghahanda. Marami ang nabigla nang umuwi sa Pilipinas si Pacquiao noong nakaraang linggo at piliin na sa Cebu na muna mag-ensayo sa halip na sa US kung saan nakabase ang kanyang American trainer na si Freddie Roach. Paliwanag ni Pacquiao, mas magandang magsanay sa Pilipinas dahil mainit ang klima at maiiwasan na rin na makita ng kampo ni Barrera ang kanyang paghahanda. Inaasahan niya na isang mas malakas na Barrera ang kanyang makakatunggali sa Oktubre. "He will be a bit slower but I still expect him to be strong enough to give me a good fight," sabi ni Pacquiao. - Fidel Jimenez, GMANews.TV